Isang lalaki ang binuntutan at pinagbabaril ng anim na rider habang naglalakad pauwi sa isang madilim na eskinita sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Dead on arrival sa Sta. Ana Hospital ang biktimang si William Lopez, 32, binata, walang hanapbuhay, at residente ng 2193 Road 16, Fabie Estate, Sta. Ana, Maynila dahil sa tinamong ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon kay Police Supt. Robert Domingo, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 6, dakong 2:00 ng madaling araw, naglalakad pauwi si Lopez nang buntutan ito ng anim na suspek na pawang nakasuot ng bonnet at magkakaangkas sa tatlong motorsiklo.

Pagsapit ng biktima sa madilim na eskinita ay bigla na lang siyang hinarang ng mga suspek hanggang sa pinaulanan ng bala.

National

4.1-magnitude na lindol, tumama sa Davao Occidental

Rumesponde sa lugar sina PO3 Celso Tabobo at PO1 Risselle Matunog at isinugod sa pagamutan si Lopez lulan ngunit patay na ito.

Iniimbestigahan na ni SPO3 Milbert Balinggan ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS) ang insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek, gayundin ang motibo sa pamamaril. (Mary Ann Santiago)