“Nasa ilalim kami ng mesa, at ang aming tinutuluyan ay wala na ring bubong.”

Ito ang nakasaad sa isa sa mga mensaheng dumagsa sa “Lord Save Us” post sa Facebook account ng Cagayan Information Office habang binabayo ng bagyong ‘Lawin’ ang lalawigan nitong Miyerkules ng hatinggabi.

Tumambak ang mga mensahe ng paghingi ng saklolo mula sa Tuguegarao City Rescue o sa Lingkod Cagayan para sa mga pamilyang hindi nakalikas.

Ilang oras matapos mag-landfall ang Lawin sa Peñablanca nitong Miyerkules ng hatinggabi, nakausap pa ng Balita ang ilang Cagayanos na umiiyak na inilarawan ang bangis ng bagyo, habang ang ilan ay humingi ng panalangin para sa kanilang kaligtasan.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Makaraan pa ang ilang minuto, hindi na sila makausap, hanggang tuluyan nang mawalan ng cell phone signal sa mga bayan ng Tuguegarao, Amulung, Lallo, Aparri, Camalaniugan, Enrile at Gonzaga.

Literal na nagdilim ang 10 lalawigan sa hilagang Luzon dahil sa malawakang kawalan ng kuryente at nagmistulang isolated din dahil sa pahirapang linya ng komunikasyon matapos na salantain ng mala-delubyong Lawin nitong Miyerkules ng gabi hanggang kahapon ng umaga.

Ayon kay Lilibeth Gaydowen, Corporate Communications and Public Affairs Officer ng National Grid Corporation of the Philippines (NCGP), walang kuryente ang buong Cagayan, Isabela, Apayao ,Kalinga, Ilocos Sur, Ilocos Norte, Abra at Mountain Province, gayundin ang ilang bahagi ng La Union, Benguet at Baguio City.

Bukod sa preventive power shutdown sa mga nabanggit na lugar, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na maraming poste ng kuryente ang nangabuwal dahil sa bagyo.

NASAWI

Dahil pahirapan din ang linya ng komunikasyon sa mga sinalantang lugar, hindi pa makumpirma ni Undersecretary Ricardo B. Jalad, NDRRMC executive director at Office of Civil Defense (OCD) administrator, ang napaulat na pagkasawi ng pitong katao dahil sa bagyo.

Sinabi ni Jalad na batay sa mga paunang impormasyon na nakalap ng ahensiya, isa ang nasawi sa Region 1, dalawa sa Region 2 at apat sa Cordillera, pero nilinaw niyang, “We are still in the process of validating this. Kailangan pa nating i-verify.”

Ayon sa report mula sa 5th Army Division ng Philippine Army sa Isabela, nasawi sina Marcos Cabaldo 48, sa bayan ng Palanan; at Orlando Bulyawan, ng Tanudan, Kalinga. Nawawala naman at pinaniniwalaang tinangay ng tubig sa sapa sa Roxas, Isabela si Mario Esmundo, 38 anyos.

STORM SURGE; WATER RELEASE

Nakapag-ulat naman ang Aurora Provincial DRMMC ng apat na metro ang taas na storm surge sa ilang coastal barangay sa lalawigan, dakong 8:00 ng gabi nitong Miyerkules, habang libu-libong pamilya ang una nang nailikas.

Dahil naman sa pag-uulan, nagpakawala na ng tubig bago magtanghali nitong Huwebes ang Ambuklao Dam, Binga Dam, San Roque Dam at Magat Dam.

Ayon kay Romina Marasigan, tagapagsalita ng NDRRMC, dahil sa pahirapang komunikasyon ay wala pa silang aktuwal na datos ng mga pamilyang naapektuhan at mga pinsalang naidulot ng Lawin sa mga sinalantang lugar.

Iniulat din ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na 28 kalsada sa Luzon ang hindi madaanan hanggang kahapon, habang nasa P400,000 ang paunang taya sa pinsala ng Lawin sa mga istruktura.

Sa huling datos ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kahapon ay papalabas na sa Philippine area of responsibility (PAR) ang Lawin at kumikilos patungong China taglay ang lakas ng hanging nasa 150 kilometer per hour (kph) malapit sa gitna at bugsong hanggang 185 kph. Kumikilos ang bagyo pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 21 kph.

Tinatayang ngayong Biyernes ng umaga ay nasa layong 580 kilometro sa hilaga-kanluran ng Laoag City sa Ilocos Norte ang Lawin, na nasa labas na ng PAR.

(Dagdag ulat nina Ariel Avendaño at Argyll Cyrus Geducos) (LIEZLE BASA IÑIGO, FRANCIS WAKEFIELD at ROMMEL TABBAD)