TRAHEDYANG sana’y naiwasan, muling bumulaga sa Bocaue Bulacan. Mantakin nga naman, sa parehong pagawaan at pamilyang kilala sa paputok muli naganap ang pagsabog ng mga nakaimbak na nilalakong libintador at kung anu-ano pang mga napapanahong aliwan ng pulbura.

Tulad dati, may inosenteng mga biktima at nasaktan. Hindi na talaga natuto! Sa ilalim ng Pamahalaan ni Pangulong Digong Duterte marahil mapapatupad ang matagal ko nang mungkahi na tuluyan nang ipagbawal ang pampublikong bentahan ng paputok.

Bawal din ang mag-imbak ng mga nasabing produkto sa pangunahing daanan o lansangan kung saan maraming kalapit na tindahan, sasakyan at pasilyo ng tao dahil sa peligro ng kapabayaan.

Maaari lang bumili ng paputok kapag para sa “fireworks display”, limitado sa mga Lokal na Pamahalaan kapag may opisyal na okasyon, at sa tukoy na lugar na iwas pinsala o pahamak. Gayahin sa buong bansa ang pamamalakad sa Davao City.

Habang ang industriya ng paputok o “pyrotechnics” ay maaaring ipagpatuloy basta pang “export” na lang sa ibang bansa.

Tuwing hindi Pasko at Bagong Taon, tulungan maghanap ng ibang uri ng hanap-buhay ang mga sektor na maaapektuhan sa pagbabawal ng pagbenta ng paputok. Isa pang gampanin na nais kong ipanukala sa ilalim ng mga Lokal na Pamahalaan na dapat pagtuunan ng pansin ang pagtatayo ng mga lungsod, munisipalidad, at konseho “Kontra Droga, Kontra Tulak”. Akma ito sa walang humpay na kampanya ng pamahalaan upang maibsan, kung ‘di man matuldukan, ang suliranin ng droga sa bansa.

Kailangan na talaga makialam ang lahat ng sektor, hindi lang pulitiko, PNP, AFP at iba pa. Mas epektibo ang pagbaka sa droga kung mismong mamamayan na rin ang sumapi at nakipagkapit-bisig sa pamahalaan. (Erik Espina)