LOS ANGELES (AP) — Pinawalang sala ng jury si NBA star Derrick Rose at dalawang kaibigan nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) sa kasong rape na isinampa ng dating nobya ng one-time MVP.
Humihingi ng danyos na US$21.5 milyon ang naturang biktima na umano’y pinagsamantalahan ng grupo ni Rose habang nasa impluwensiya siya ng droga at alak.
Umabot ng mahigit apat na oras ang balitaktakan ng mga jurors sa Los Angeles federal court bago naglabas ng desisyon pabor sa grupo ni Rose bunsod na rin umano ng kakulangan sa kongretong ebidensiya para patunayan ang akusasyon ng biktima.
“It felt like she was playing us,” sambit ng juror na nagpakilala lamang na Jared.
“The second her lawyer started questioning her, she would start crying. I mean, granted, that could be realistic, but I feel l’m pretty good at reading people, and I felt as if it was false.”
Kabilang si Jared sa grupo ng juror na pumayag makapanayam ng mga mamamahayag matapos ibaba ang desisyon.
Pinasalamatan ni Rose ang naging desisyon at nagpaunlak ng ‘selfie’ para sa souvenir sa mga jurors bago lumabas ng courthouse.
“I am thankful that the jury understood and agreed with me,” pahayag ni Rose.
“This experience and my sensitivity to it was deep. I am ready to put this behind me and focus on my family and career.”
Ikinadismaya naman ng counsel ng biktima ang naging desisyon ng juror laban sa mga suspect na tinawag niyang “sexual deviants”.
“It’s a shame for women, for this country, that a celebrity can come into court and slut-shame a woman like my client,” pahayag ni Atty. Waukeen McCoy.
“The three men laughed their way home,” aniya.
Iginiit naman ng defense lawyer na isang ‘gold-digging liar’ ang 30-anyos na biktima at tinahi-tahi lamang nito ang kuwento para makaganti at makahingi ng pera matapos siyang hiwalayan ni Rose.
“All three men were innocent from Day 1,” pahayag ng counsel ni Rose na si Atty. Mark Baute. “We’re very happy that the system worked.”