DALAWANG makulay na personalidad sa Senado ng Pilipinas ang wala na ngayon. Sila ay sina Sen. Miriam Defensor-Santiago (MDS) at Sen. Juan Ponce Enrile (JPE). Si MDS na kung tawagin ay Tigre ng Senado at Iron Lady of Asia ay pumanaw kamakailan dahil sa lung cancer, samantalang ang 92-anyos na si JPE ay tapos na ang termino. Buhay pa siya.
Nagiging makulay at kapana-panabik sa bulwagan ng Senado kapag ang alinman sa kanila ay nagpi-privilege speech o nagtatanong sa mga pagdinig. Kinatatakutan ang dalawa ng kapwa mga senador at ng resource persons sa mga inquiry o imbestigasyon. Sa mga interview, makukulay at high-falutin ang mga salita na namumutawi mula kay MDS kung kaya kailangan mo ng dictionary upang ito’y maunawaan.
Sa ngayon, may isang pumalit na makulay ding personalidad. Siya ay si Sen. Leila de Lima na ngayon ay balot ng kontrobersiya, intriga, akusasyon at sex video dahil sa pakikipagbangga sa higit na makulay (colorful) na personalidad, si President Rodrigo Roa Duterte. Si De Lima na naging DoJ Secretary sa ilalim ng PNoy admin ay hanggang-leeg ngayon sa pagsalag sa mga alegasyon sa umano’y pagkakasangkot sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP).
Bukod kay RRD, binabanatan din siya ng mga alter-ego ng Presidente, gaya ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II. Nagiging personal ang banat kay Sen. Delilah, este Sen. De Lima, lalo na ang pag-uugnay sa kanyang driver na si Ronnie Palisoc Dayan na umano’y lover niya at taga-kolekta ng drug money.
Maging ang liderato ng Kamara na kaalyado ni Mano Digong ay nagpupursige rin na katasin kay Sen. Leila ang pagkakasangkot niya sa illegal drugs noong siya pa ang kalihim ng departamento. Pinahaharap siya sa mga pagdinig subalit ayaw ng senadora dahil ang pagdinig daw dito ay patibong at maituturing na isang “kangaroo court”. Ibig ipahiwatig na ang Kamara ay isang “rubber stamp” ng Malacañang.
Well, ang isa pang sumusulpot na “makulay” na personalidad ay si Sen. Alan Peter Cayetano, talunang katambal ni RRD sa pagkapangulo, dahil umano sa pagiging isang “lapdog” ni President Rody. Lagi niyang ipinagtatanggol ang Pangulo, lalo na sa mga kontrobersiyal na pahayag nito sa international forums, at sa mga banat ni Sen. Leila.
Kung si Sen. Alan ay hinihinalang “lapdog” ngayon, siya naman ay isang mabangis na senador noong iniiimbestigahan pa si ex-VP Jojo Binay. Bilib sa kanya ang mga mamamayan noon, pero ngayon daw ay parang tumatamlay ang pagkabilib ng mga tao sa kanya ngayong siya ay nasa panig ng administrasyon. Abangan na lang natin, at huwag tayong humusga!
(Bert de Guzman)