UNANG napansin ang tambalan nina McCoy de Leon at Elisse Joson nang magkasama sila sa Pinoy Big Brother Season 7. Naging kapansin-pansin ang magandang bonding ng dalawa sa Bahay ni Kuya, kaya paglabas, agad silang kinuha ng isang fastfood chain para gumawa ng TV commercial.
Si McCoy de Leon ay naging member ng Hashtags sa It’s Showtime, samantalang abala rin si Elisse sa iba’t ibang guestings sa Kapamilya programs gaya ng FPJ’s Ang Probinsyano na nagtatampok sa kanilang love team.
May ilang nagsasabi na mukhang aagaw ng pansin ang McLisse team-up sa mga sikat na tandem like KathNiel,LizQuen at JaDine.
Sa kanyang pagbabalik-tanaw sa pagtira sa Bahay ni Kuya, naikuwento ni McCoy ang mga bagay na kanyang natutuhan habang kasama niya ang babaeng nagpatibok muli ng kanyang puso, si Elisse.
“Marami — hindi ko na masasabi lahat — pero isa na ‘yung napatunayan ko na mapagmahal talaga siya sa magulang lalo na sa kanyang nanay,” bungad ni McCoy.
Hindi ikinakaila ng binata na nagdi-date sila ni Elisse , ‘yun nga lang, kasama ang nanay ng dalaga tuwing lumalabas sila.
“Kapag lumalabas naman po kami na hindi konektado sa trabaho, simpleng kainan lang ‘tapos lagi namin kasama si Tita (mom ni Elisse) pero never pa po kami lumabas na kaming dalawa pa lang,” kanyang depensa.
Kung si McCoy ang tatanungin, wala na raw siyang hahanapin pa kay Elisse, halos lahat daw ng hinahanap niyang katangian sa isang babae ay natagpuan na niya sa dalaga
“Bilang love team pa lang naman po kami. Hindi ko pa alam kung ano’ng mangyari doon, pero kung ako tatanungin, may chance na talagang mapalapit pa ako sa kanya, masaya kasi. Ang pag kakakilala ko sa kanya ay puwede maging girlfriend material na din. Lahat ng na-discover ko sa kanya ‘tapos lalo pang napalapit sa loob,” ani McCoy.
Sa ngayon ay nakatuon ang pansin ng ABS-CBN management sa McLisse team-up dahil kakaiba ang hatak nila sa fans.
Ihahanay na nga ba sila sa sikat na Kapamilya love teams?
“Madami pa kaming pagdadaanan, talaga, madami pa kaming kailangan patunayan. Kumbaga, ngayon nandito pa lang kami sa baba at kailangan pa namin matuto at bumuo ng experience para may maipakita kami sa mga tao,” mapagpakumbabang sagot ng binatilyo. (Ador Saluta)