ISANG umaga, habang naglilinis si Boy Commute ng kanyang kuwarto ay may napulot siyang mga piraso ng papel hanggang sa bigla na lang siyang mapangiti.

Tatlong ticket ng bus na may punit sa tagiliran ang kanyang pinagmamasdan habang tuloy siya sa pagwawalis sa alikabok na nagkalat sa kanyang silid.

Ang ticket ng bus ay nagmula sa bulsa ng pantalon ng kanyang anak na nag-commute mula sa kanilang bahay sa Parañaque patungong Cubao, Quezon City at pabalik.

Bigla ring pumasok sa kukote ni Boy Commute kung gaano pa ka-jologs ang sistema ng pampublikong sasakyan sa Pilipinas kumpara sa maraming bansa sa Asya.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Maliban sa hindi sa saa-salabid ang mga linya ng tren at maayos ang biyahe ng mga pampasaherong bus, maayos ang daloy ng mga sasakyan sa ibang bansa sa rehiyon.

Sa pagbiyahe ni Boy Commute sa Japan, China, Thailand, Malaysia at Singapore, wala na siyang nakitang ticket na ibinibigay ng kunduktor sa tuwing siya’y sumasakay sa bus.

Sa halip na ticket, gumagamit ang mga pasahero ng season pass na nabibili sa ticket kiosk sa mga terminal ng bus.

Ang isang pass, na katulad ng isang ATM card, ay maaaring gamitin sa buong araw, linggo o buwan depende sa halaga na ini-load ng pasahero.

Sa pagsakay sa bus, isina-swipe lang ang plastic card sa isang gadget sa tagiliran ng driver at ibinabawas na ang pasahe sa load nito.

May resibo agad na lumalabas sa gadget na ibinibigay sa pasahero.

Kung ikukumpara ang mga high-tech bus fare collection system sa mga karatig-bansa natin, ticket at belt bag ang katapat ng mga ito na bitbit ng kunduktor ng bus sa ‘Pinas.

May goma pang nakasuot sa hinlalaki ng kunduktor upang hindi madulas o maging pahirapan ang pagpupunit ng ticket.

Madalas ding nakaiirita ang pagkakalansing ng kunduktor ng tone-toneladang barya sa kanyang belt bag. Kapag

mamalasin, gagawin pa niya ito tuwing natutulog ang mga pasahero.

Kulang na lang ay kumanta ng “Jingle Bells” para kumpleto ang entertainment number.

Sa tuwing bubunot sa pitaka o sa wallet ang pasahero, nagiging temptasyon ito sa mga kawatan na nakasakay din sa bus.

Hindi ba kayo naiilang na sinisilip ng katabi n’yo ang laman ng wallet o pitaka n’yo kapag kayo ay magbabayad na?

Kailan kaya magiging high-tech ang ticketing system sa mga bus?

Kapag isinulong ito ng gobyerno, malamang papalag na naman ang mga bus company dahil dagdag-gastos pa ang mga ito sa kanila.

Hanggang sa panaginip na lang ba talaga tayong mga Pinoy? (ARIS R. ILAGAN)