TUNAY na ang pinakanakadidismayang balita noong nakaraang linggo ay ang pamamaslang sa isang babaeng nangangampanya laban sa krimen sa Oriental Mindoro. Nakatayo si Zenaida Luz sa harap ng kanyang bahay isang gabi ng Linggo habang hinihintay ang taong tumawag upang hingan siya ng tulong, nang bigla siyang pagbabarilin ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo.
Agad na tinugis ng mga nagpapatrulyang pulis ang mga salarin na nakipagpalitan pa ng putok sa kanila, hanggang sa magsisuko makaraang masugatan. At sa matinding pagkabigla ng mga tumugis na pulis, natuklasan nilang ang mga suspek na kanilang hinabol ay mga opisyal pala ng pulisya. Ang isa ay nakasuot ng maskara at peluka; at ang isa ay may suot na bonnet at jacket na may hood.
Hindi maiiwasang maiugnay ang insidente sa libu-libong pagkamatay sa bansa sa nakalipas na mga linggo. Karamihan sa 3,700 napatay ay sinasabing binaril dahil nanlaban sa pag-aresto kaugnay ng kampanya laban sa droga. Ang ilan ay pinaniniwalaang pinaslang ng mga kaaway nilang gang. Marami ang basta na lamang natagpuang nakabulagta sa lansangan—at hindi nakilala ang pumaslang. Posibleng magaya lamang sa kanila si Luz na basta na lamang madidiskubreng nakabulagta sa kalye, hindi kilala ang mga pumatay, kung hindi naging mabilis ang pagkilos ng mga nagpapatrulyang pulis.
Hindi mga pangkaraniwang pulis ang mga salarin. Ang isa ay hepe sa lokal na pulisya ng kalapit na bayan; habang ang isa pa ay operatiba ng Police Public Safety Company ng pulisya. Kabilang sila sa mga nangunguna sa pagpapatupad sa kampanya ng administrasyon laban sa krimen. At si Luz ang regional chairman ng grupo kontra krimen na Citizens Crime Watch. Dapat sana ay magkaalyado sila sa paglaban sa kriminalidad.
Ang pagsisiyasat ng pulisya ay hindi dapat na tumuon lamang sa pagpatay sa isang babae. Kailangang imbestigahan kung bakit nasangkot ang dalawang matataas na opisyal ng pulisya sa ilegal na operasyon, na kailangang sila pa mismo ang magsagawa ng pagpatay.
Ang susunod na katanungan: Isa lamang ba itong isolated case o maraming iba pang opisyal ng pulisya sa ibang mga bayan at siyudad ang sangkot din sa mga aktibidad na maaaring humantong sa pagpatay sa isang nangangampanya kontra kriminalidad? Mismong si Pangulong Duterte ay nanawagan ng pagkilos laban sa mga tinatawag niyang “ninja cops” na sangkot sa bentahan ng droga, at nag-alok pa nga ng pabuyang pera sa mga impormante. Posible kayang may kinalaman ang pamamaslang sa Oriental Mindoro sa kampanyang ito?
Binigyang-diin ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa ang pangangailangang agad na maipatupad ang kampanya laban sa “ninja cops” nang magtanong siya: “Pulis ka… ikaw ang magbenta?” Tiyak nating nauunawaan niya na ang mga pulis na pumatay kay Zenaida Luz sa kalsada sa harap ng kanyang bahay sa Gloria, Oriental Mindoro, ay higit na karumal-dumal kaysa pagbebenta ng ilegal na droga, kaya naman karapat-dapat lamang na pakatutukan ng pulisya at ng gobyerno ang kasong ito.