Hindi na nakarating sa kanyang paroroonan ang isang 30-anyos na lalaki na umano’y miyembro ng Commando gang makaraang barilin sa ulo ng ‘di pa nakikilalang suspek sa Isla Puting Bato, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PO3 Marlon San Pedro, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 8:15 ng gabi, naglalakad ang biktimang si Tony Formentera, ng Purok 3, Isla Puting Bato, sa IBP Road nang biglang lapitan at barilin ng suspek bago tumakas.
Blangko naman ang mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng suspek, gayundin sa motibo ng pagpatay, at eksaktong detalye ng pangyayari.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Mary Ann Santiago)