Tiniyak ng Office of the Ombudsman (OMB) ang sentensiya ng Sandiganbayan sa apat na dating alkalde na inakusahan ng kurapsiyon at iba pang kasong kriminal.

Kinilala ng mga prosecutor ng Ombudsman ang mga nahatulan na sina Apollo Ferraren ng San Teodoro, Oriental Mindoro; Eric Etienza, ng Calauag, Quezon; Victorino Rodilla, ng Majayjay, Laguna; at Floro Taneda, ng Sto. Domingo, Ilocos Sur.

Napatunayan ng anti-graft court na guilty si Ferraren sa kurapsiyon at hinatulang makulong ng hanggang 10 taon dahil sa pagpapahintulot sa isang negosyante na gamitin ang heavy equipment ng San Teodoro nang walang permit at hindi rin siningil ng rental fees.

Sinentensiyahan naman si Etienza sa kasong falsification na may katapat na parusang hanggang walong taong pagkakapiit dahil sa maling pagbibigay ng certification of employment ng isang property custodian na may buwanang sahod na P5,000.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Napatunayan namang nagkasala si Rodillas sa kabiguang mai-account ang nasa P100,000 na cash advances, ngunit pinagmulta lamang ng P3,000 makaraang baguhin sa guilty ang nauna niyang plea na not guilty.

Hinatulan naman ng apat hanggang walong taong pagkakakulong si Tadena dahil sa pamamalsipika ng mga pampublikong dokumento para mapalitan ang inaprubahang ordinansa at singitan iyon ng posisyon para sa municipal administrator.

(JUN RAMIREZ)