CAMP RUPERTO KANGLEON, Palo, Leyte – Inilalatag na ng Police Regional Office (PRO)-8 ang mga paghahandang pangseguridad para sa pagbabalik sa Leyte ng sinasabing pangunahing drug lord sa Eastern Visayas na si Rolan “Kerwin” Espinosa, na inaresto nitong Lunes sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.
Sinabi ni PRO-8 Operations Chief Senior Supt. Domingo Cabillan na inihahanda na ang ipatutupad na seguridad para sa pagdating ni Kerwin sa Tacloban City Airport na agad ibibiyahe patungo sa piitan nito sa Leyte.
Ayon kay Cabillan, sina Leyte Police Provincial Office Director Senior Supt. Franco Simborio at Albuera Police Head Chief Insp. Jovie Espinido ang sasalubong kay Kerwin sa Tacloban City Airport kapag dinala na ito sa Leyte mula sa Maynila.
Si Espinosa ay may nakabimbing arrest warrant mula kay Regional Trial Court Branch 14 Executive Judge Carlos O. Arguelles kaugnay ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) at illegal possession of firearms, na parehong non-bailable.
Napaulat na Mayo 21, 2016 nang umalis sa bansa si Kerwin.
Nahaharap din sa kaparehong mga kaso ang kanyang ama na si Albuera Mayor Rolando Espinosa, Sr., na nakapiit na ngayon sa Leyte Sub-Provincial Jail sa Baybay City.
Sa arraignment noong nakaraang linggo, naghain si Mayor Espinosa ng not guilty plea sa kinahaharap na dalawang kasong kriminal na nag-ugat sa pagsalakay ng pulisya sa kanyang bahay noong Agosto 10 at 11 at nagresulta sa pagkakakumpiska sa nasa P88 milyon halaga ng shabu at 23 iba’t ibang armas at mga bala. (Nestor L. Abrematea)