NANG imbitahin kami ng program manager ng Ideal First Entertainment na si Omar Sortijas para sa preview ng Ang Manananggal sa Unit 23B (isa sa mga kalahok sa isinasagawang QCinema International Film Festival 2016), ang agad na pumasok sa utak namin, “ano’ng bago sa manananggal? Ilang beses na ba itong ginawan ng pelikula? Hmmm, sino naman ngayon ang bagong manananggal?”

 

Pero si Prime Cruz pala ang nagdirek, at magkatulong nilang sinulat ng kanyang girlfriend na si Jen Chuansu ang Manananggal, kaya na-curious kami. Unang nakilala si Direk Prime sa pelikulang Sleeplessna nanalo ng NETPAC Best Asian Film sa 2015 QCinema International Film Festival, ikalawang pelikula niya ang Ang Manananggal sa Unit 23B.

Matunog ang pangalan ni Direk Prime sa mga bagets, sabi ni Omar, dahil “very now” ang mga atake niya sa filmmaking. Nakapasok siya sa IdealFirst Entertainment nina Direk Jun Lana at Perci Intalan nang sumali sila ni Jen Chuansu sa CinePanulat Screenwriting workshop.

Probinsya

Higit 5k security personnel, idineploy para matiyak kaligtasan sa ASEAN Summit

 

Twenty-eight (28) years old at graduate ng Communications sa Ateneo de Manila na si Prime, nagkasama sila ni Jen -- na walong taon na niyang kasintahan -- as brainstormers sa Star Cinema.

 

Natawa si Direk Prime nang tanungin namin kung anong pelikula niya ang naaprub sa Star Cinema, na sinagot niya ng, “Wala po, walang pumasa.” Kaagad siyang sinalo si Direk Jun Lana, “Parang iba kasi ang formula ng Star Cinema, may sarili na sila.”

 

Ang ibig sabihin ni Direk Jun, ayaw ng Star Cinema na nababali ang istorya o maging ang ending na kailangang positive para hindi ikagulat ng audience, tila nag-eeksperimentona rin sila tulad sa The Third Party na pumapalo ngayon sa box office dahil maganda ang pagkakagawa ng indie filmmaker din na si Jason Paul Laxamana.

 

Sa research namin, nalaman din namin na hasang-hasa na si Direk Prime Cruz bilang writer sa mga programa ng ABS-CBN tulad ng Pinoy Big Brother, Simply KC at Matanglawin.

 

Sa SRO preview sa Cinema 2 ng Gateway, napatunayan namin na hawak nga ni Direk Prime ang young audience.

Unang ipinakita si Ryza Cenon bilang si Jewel sa kakaibang mga anggulo ni Direk Prime kaya ang ganda-ganda at napakalakas ng appel. Habang nanonood ng teleserye, paulit-ulit na nababanggit ang salitang ‘mahal’ na tila may kurot sa puso ng dalaga kapag naririnig ito.

 

Online teacher ang trabaho ni Ryza kaya mas madalas na nasa bahay lang at libangan ang panonood ng TV. Kapit-unit niya ang bagong lipat na si Martin del Rosario at lola nitong si Vangie Labalan. Naging magkaibigan sila at laging nagkakasabay sa self-service laundry shop at kumakain ng balut na paborito ng huli.

 

Brokenhearted si Martin na ipinagpalit ng girlfriend sa isang lalaking malaki ang katawan at kaya itong panindigan.

Nababagalan kami sa pacing ng pelikula, pero ito yatang talaga ang trademark ng indie films, kaya nga bihira naming panoorin dahil nakakabagot at ang worst ay nakakatulog pa kami.

 

Pero dahil nagustuhan namin ang rehistro ng beauty ni Ryza sa screen, watch pa rin kami at curious nga talaga kami sa bagong twist daw ngManananggal sa Unit 23B.

 

May social life naman pala si Jewel, gumigimik siya sa gabi kasama ang kaibigang babae na may boyfriend, si Cholo Barretto na nagpaparamdam sa dalaga. Hindi muna pinatos ni Ryza si Cholo sa unang gabi ng pagkikita nila dahil kinilala muna niya. Isang gabi, sumakit ang tiyan ni Jewel, humihiyaw siya sa sobrang sakit at nagpahid siya ng pulang langis na sabi ng mga katabi namin ay chicken oil na nabibili sa Mang Inasal, ha-ha-ha.

 

Sa next frame, ipinakitang nakabihis ng itim at heavy ang made-up ni Jewel na pumunta ng club, nakita si Cholo, sumayaw at naghalikan sila nang matindi, hanggang sa niyaya niya itong lumabas.

 

Siyempre, palay na ang lumapit sa manok kaya sinunggaban na ni Cholo si Jewel, at saka na-reveal na nagiging manananggal ang dalaga kapag nairaos na ang init ng katawan, saka dinudukot at kinakain ang puso ng biktima na pinapatungan niya ng karton na may nakasulat na, ‘pusher ako, ‘wag tularan’ na ginaya niya sa napapanood na balita.

 

Ganito ang ginagawa ni Jewel sa tuwing nakararamdam ng init ng katawan, nakikipag-sex kung kani-kanino, at dinudukot at kinakain ang puso ng katalik.

Si Martin ang unang nagduda na si Jewel ang pumapatay dahil nakilala niya ang lalaking naging biktima nito. Tinanong niya ang dalaga kung may kinalaman ito sa pagkamatay ng huling biktima, pero itinanggi ng dalaga.

 

Samantala, inatake ang lola ni Martin, ilang araw na comatose, at namatay. Dinamayan siya ni Jewel sa kanyang kalungkutan hanggang sa maglapat ang kanilang mga labi at nai-imagine ng dalaga ang ginagawa niya sa mga lalaking napapatay niya.

 

Nang mag-init ay kaagad na siyang bumalik sa unit niya at nagpatugtog ng malakas para hindi marinig ng mga kapitbahay ang sakit na nararamdaman niya. Mahal kasi ni Ryza si Martin kaya hindi niya ito pinatay.

 

Dito magugulat ang mga manonood, dahil kapag walang lalaking kasama si Ryza para punan ang pag-iinit ay nagsasariling sikap siya, at kapag kaganapan na niya ay doon nag-iiba ang kanyang itsura. Nahahati ang katawan niya at nagkakaroon ng pakpak na ang unang ipinakita ay hugis ng vagina.

 

At dahil kailangang makakain ng sariwang puso ay lumipad palabas ng bintana si Jewel, marami ang nakakita at nang makabiktima na ay saka bumalik ng kanyang Unit 23B, kung saan naghihintay si Martin na nasaksihan ang kanyang pagbabalik sa normal na anyo.

Nagdatingan ang mga pulis para hulihin si Jewel pero itinakas siya ni Martin at dito nagtapos ang pelikula na pinalakpakan ng mga manonood.

 

Bagamat mabagal nga ang pacing ay maganda ang pelikula, halatang millennial ang direktor lalo na sa magagandang songs na ginamit sa buong pelikula na hindi ka matatakot at hindi katulad nu’ng araw na pang-horror o tatakutin ka talaga.

Si Ryza na ang pinakaseksing manananggal na napanood namin. At ang pelikulang ito ang pinakaseksi sa lahat ng pelikula tungkol sa manananggal.

 

Bukod pa sa maganda at sexy ang bida, hindi katulad sa ibang manananggal movies na pangit ang bida o probinsiyana at kapag nahahati ang katawan ay sinasabuyan ng asin para hindi na makabalik o kaya ay tutusukin ng sibat para patayin.

 

Congratulations kay Direk Prime, binago mo kaagad ang akala namin bago manood na “one of those” lang ang pelikula mo.

 

Sabi pa pala ni Direk Prime, Bossing DMB, hindi siya pinakialaman nina Direk Jun at Perci sa mga ideya niya, bagkus ay suportado siya kung ano ang gusto niyang gawin at nagtagumpay siya. Sabi nga niya, “Parang college project na well-funded itong ginawa kong film.”

 

Hmmm, alam na namin kung bakit hindi pumasa ang mga idea mo sa Star Cinema dahil pang-IdealFirst Entertainment ka pala. (REGGEE BONOAN)