ritz_mas-clear-copy

NAMANATAAN namin si Ritz Azul sa event ng Selective Professional products kamakailan at kaagad kinumusta kung bakit hindi na siya napagkikita sa telebisyon pagkatapos ng guesting niya sa FPJ’s Ang Probinsyano.

“Taping po ako ng Promise of Forever after po ng guesting ko sa Ang Probinsyano at nasa week three na po kami ngayon,” kaswal na sagot ng dalaga.

Ang seryeng Promise of Forever ay mula sa Dreamscape Entertainment na idinidirek ni Hannah Espia, ang direktor ng Transit na nakakuha ng maraming awards kasama na ang Best Director sa 2013 Cinemalaya bukod pa sa 2014 Gawad Urian, katuwang si Direk Darnel Villaflor.

Human-Interest

KILALANIN: Mga alkalde ng Metro Manila na nasa huling termino na

“Nakakatuwa nga po,” kuwento ni Ritz, “sa haba na ng taping namin, nagkakaroon na kami ng bonding with the cast and buong production, mas naayos ‘yung shots sa mga eksena, mas naalagaan. Kaya kapag ipinalabas na, hindi mukhang minadali. ‘Tapos first time pa ni Direk Hannah sa TV, bale siya ‘yung second unit direktor, si Direk Darnel ang main.”

Nabanggit din ni Ritz na kabado siya nang una siyang sumalang sa taping.

“Noong una, medyo kinakabahan ako. Nagiging open ako sa Dreamscape na naninibago po ako sa sistema. Pero sabi nila, ‘Huwag kang pa-pressure.’ Todo-support naman sila sa akin and siguro nakapag-adjust ako after two-three months sa taping. Kasi sobrang family ‘yung tanggap nila sa akin,” kuwento ng aktres.

Bakit ang tagal ng taping at bakit hindi pa umeere?

“Hindi ko po alam kung kailan ang airing, sabi this year po. Okay naman po kung next year din kasi mas naalagaan ang istorya at may mga revision din ginagawa sa script, mas maganda. Saka iba kasi ‘yung series, hindi normal na love story,” kuwento ni Ritz.

Hindi normal na love story, ano kung ganoon ang roles nila ni Paulo Avelino? Hindi sila lovers?

“Hindi po puwedeng i-reveal, lovers naman po, si Paulo ay si Nicolas Barrientos na maraming characters. At ako naman si Sophia Madrid, ‘tapos si Ejay Falcon, si Philip. Si Ejay best friend ko rito, best friend ni Sophia, so do’n tumatakbo ang istorya, sa triangle na ‘yun,” kuwento ng dalaga.

Kumustang katrabaho si Paulo?

“Bilang katrabaho, ano kasi, pagpasok ko ng ABS–CBN, sinabi ko na gusto ko siyang makatrabaho bukod kay Coco Martin na nangyari na nga. Overwhelming na kaagad ako na siya ang nakatrabaho ko sa first serye ko sa ABS-CBN. Bilang katrabaho naman, nagiging open ako sa kanya, kinakabahan ako, sabi ko, tulungan mo ako, hindi ko alam, first time ko with ABS-CBN. Tinuturuan niya ako kung paano makisama,” kuwento ng dalaga.

Masuwerte si Ritz dahil nakapag-workshop siya kasama si Paulo kay Ivana Chubbuck na may acting school sa Los Angeles, California at dumating ng Pilipinas para magturo sa ABS-CBN talents.

“No’ng nag-workshop po kami, naging close kami ni Paulo nu’ng time na ‘yun at nakilala ko si Paulo sa workshop,” sabi ng aktres.

Hinuli namin si Ritz kung may naikuwento si Paulo tungkol sa girlfriend nito.

“Wala naman siyang nababanggit na may girlfriend siya, sabi niya single siya,” sabay ngiting sagot ng dalaga.

Siya, single rin?

“Single,” sabay tawa. “Single, walang etchos, ikukuwento ko kung meron,” natawa uling sabi niya.

May nagpaparamdam ba?

“Paramdam? Meron, sa gilid-gilid. May non-showbiz, nagulat na lang ako pagpasok ko ng ABS. Kasi dati, sinasabi ko na wala, wala talagang nanliligaw. ‘Tapos, ewan ko, siguro na-catch ang attention nila noong lumabas ako sa ABS.”

Hmmm, non-showbiz pero pagpasok ni Ritz ng ABS-CBN ay saka nagparamdam. Therefore, mga empleyado ito ng network?

“Ay, hindi po, nu’ng pumasok ako ng ABS, siguro napansin ako, kaya may mga nagparamdam na non-showbiz na,” paliwanag ng dalaga.

Sa mga aktor ng Dos, walang nagpaparamdam?

“Hindi pa kasi ako masyadong nai-expose sa ibang Kapamilya stars.”

Nakasama ni Ritz sa TV5 si Arci Muñoz na isa na sa prime artists ng ABS-CBN ngayon lalo’t humahataw sa ratings game ang Magpahanggang Wakas nila ni Jericho Rosales. Bukod dito, nakadalawang pelikula na si Arci na parehong kumita, ang Always Be My Maybe kasama si Gerald Anderson at ang Camp Sawi.

Tinanong namin si Ritz kung kaya rin niyang magpa-sexy.

“Pagpasok ko po kasi ng ABS, nabanggit sa akin kung paano ang plans. Medyo iba tayo ngayon. Hindi naman ako nagsasara ng door sa pagiging pa-sexy, nandiyan pa rin naman ‘yan, eh.

“At saka nakakatuwa nga na nakikita nila akong sexy, pero gusto ko muna ngayon na makilala nila ako kung sino ako.

Kung sino ang simpleng Ritz, para makita rin ng tao na hindi lang puro paseksi (ang kaya niyang gawin),” paliwanag ng dalaga. (REGGEE BONOAN)