Inilagay sa ‘red alert’ status ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bilang paghahanda sa bagyong ‘Lawin’ na inaasahang mananalasa sa Northern Luzon sa Huwebes.

Ang bagyong ‘Lawin’ ay posible umanong maging super-typhoon, ayon kay weather specialist Aldczar Aurelio ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sinabi ni Undersecretary Ricardo B. Jalad, NDRRMC Executive Director at Office of Civil Defense (OCD) Administrator, na inaatasan ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) na umalerto sa bagyo.

Kabilang sa paghahanda ang paglilikas sa mga pamilyang naninirahan sa mabababang lugar, gayundin sa mga bulubundukin kung kinakailangan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa report na kanilang tinanggap, sinabi ni Jalad na ang bagyo ay maghahatid ng moderate hanggang heavy rains.

Samantala magla-landfall ito sa Huwebes ng umaga sa Cagayan.

Ang bagyong ‘Lawin’ ay bahagyang bumilis at tinatahak ang direksyong kanluran hilagang kanluran.

Hanggang kahapon ng umaga, ang mata ng ‘Lawin’ ay nasa 950 kilometro silangan ng Daet, Camarines Norte. Ang hanging hatid nito ay may bilis na 185 kilometro kada oras.

DSWD handa na rin

Naka-ready na rin ang relief goods ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga pamilyang maaapektuhan ng bagyo.

Tiniyak ni DSWD Secretary Judy Taguiwalo na bukod sa nasabing relief supplies, aabot na rin sa P1,285,679,783.54 ang naka-standby na pondo ng ahensya.

Aniya, nakipag-ugnayan na rin sila sa local government units (LGUs) sa Hilagang Luzon na inaasahang tatamaan ng bagyo, upang maisaayos ang pamamahagi ng relief supplies sa mga ito.

“The prepositioned items are in the form of food and non-food-items consisting of ready-to-eat rice tuna, bottled mineral water, mats, blankets, malongs, mosquito nets, water jugs, and used clothing. These were all distributed in the Provinces of La Union, Pangasinan, Ilocos Sur, and Ilocos Norte,” sabi ng kalihim.

Sa Sabado lalabas

Sa Sabado ng umaga, tinatayang nasa layong 565 kilometro kanluran ng Basco, Batanes ang bagyo at ito ay nasa labas na ng Philippine area of responsibility (PAR).

Kaugnay nito, itinaas naman ang public storm warning signal (PSWS) No. 1 sa Cagayan, Calayan Group of Islands, Apayao, Kalinga, Mt. Province, Ifugao, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Northern Aurora, Polillo Islands at Catanduanes.

Nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng pagbaha dahil sa inaasahang malakas na ulan na dulot nito dahil aabot sa 650 kilometro ang lawak ng bagyo.

PPC, ayon sa simbahan

Ang PPC o “Pray, prepare and care” ang panlaban naman ng Simbahang Katoliko sa mga kalamidad na tumatama sa bansa.

Ang pahayag ay ginawa ni Father Rex Arjona, social action center director ng Diocese of Legazpi, kasunod ng magkasunod na bagyong tumama sa bansa.

Ayon kay Arjona, ipinaiiral nila ang PPC, bago, sa kasalukuyan at pagkatapos manalasa ang kalamidad.

Pahayag ng pari, kapag may paparating na bagyo, maliban sa paghihikayat na manalangin ang mga mananampalataya, maagap din ang istasyon ng radyo ng diocese na isahimpapawid kada 30 minuto ang ‘Oratio Imperata’, o panalangin para huminto na o hindi lumala ang epekto ng paparating na kalamidad.

(FRANCIS T. WAKEFIELD, ROMMEL P. TABBAD at MARY ANN SANTIAGO)