PINUTAKTE ako ng tawag mula sa aking mga kaibigan sa intelligence community na nauwi sa kantiyawan at alaskahan matapos nilang mabasa sa mga online news portal ang hinggil sa isang pekeng balita na isinumite ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa hearing sa senado bilang lehitimong intelligence report.
Nagalit kasi si Sen. Richard Gordon nang malaman niyang ang report na ibinigay ng NICA sa hearing, kaugnay sa isang missile base ng China sa loob ng isang tunnel sa Zambales, na kuntoda may larawan pa, ay galing sa isang satirical o entertainment website na ang mga lamang balita ay peke at naglalayon lamang na patawanin ang mga mambabasa. Banta ni Gordon habang ginagawa ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Lunes: contempt ang aabutin ng buong pamunuan ng NICA kapag hindi nakapagbigay ng wastong paliwanag sa pangyayari.
Tinawag pa nga ni Gordon na “incompetent” ang kakayahan sa ngayon ng NICA sa larangan ng paniniktik dahil sa output nilang ito – na sa aking palagay ay isang matinding “blackeye” para sa tanggapang itinuturing na “mata at tenga” ng pangulo ng bansa, dahil sa pagbibigay nito ng “Daily Intelligence Briefing” (DIB) at “Daily Counter-Intelligence Briefing” (DCIB).
Ang DIB at DCIB ay bukambibig ng mga operatiba noon ng NICA na todo ang kayod sa loob ng 24 oras dahil ito raw ang inaalmusal araw-araw ni dating Pangulong Fidel V. Ramos, para sa maayos niyang mapagdesisyunan ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa pamamalakad niya sa pamahalaan, lalo na sa defense at security ng bansa.
Ano na raw ang nangyayari sa NICA na isa sa tinitingalang institusyon sa larangan ng paniniktik na nakahanay na bilang isa sa mga matitinik na intelligence agency sa buong mundo – isang operatiba ang nagbigay ng isang payak pero malamang sagot: “Ibaba sa mga agent ang pondong kailangan nila pero siguruhing lumalabas para magtrabaho at makapagsumite ng regular na mga intelligence report.”
Marami kasing magaling na operatiba ang NICA, masisipag silang pumasok sa opisina ngunit ang problema, kapag nasa loob na sila ay wala na halos gustong lumabas para mag-follow up ng mga intelligence report na dapat ay... personal na tinatrabaho at sinusundan. Ang dahilan – tinitipid ang nila kani-kanyang pondong hawak para magamit sa personal na pangangailangan.
At ito ang talagang matindi – bawasan naman ninyo ang pagre-report ng hinggil sa ILLEGAL GAMBLING – mahigit daw kasi sa kalahati ng report ng NICA ay tungkol sa R.A. 1602.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)