ANUMAN ang maging desisyon ng Supreme Court (SC) sa mga petisyon kaugnay ng paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB), iisa ang namumuong pananaw ng mga mamamayan: Igalang ang pasya ng kataas-taasang Hukuman.

Maging si Pangulong Rodrigo Duterte, sa isang pahayag bago siya tumulak sa Brunei at China para sa isang state visit, ay tahasang nagpahiwatig: “We will follow what the Supreme Court says, for after all it is the SC that interprets the law.”

Sa pagtalakay ng nabanggit na isyu, hindi na natin dapat salangin ang mga merito ng inihaing petisyon sa SC. (Habang isinusulat ang kolum na ito, nakatakdang isagawa ang en banc session ng naturang hukuman). Subalit tila hindi maiiwasan ang pagsulpot ng iba’t ibang paninindigan mula sa iba’t ibang sektor ng sambayanan.

Mismong si Pangulong Duterte ang malimit magpahayag na marapat lamang na sa LNMB ilibing si Marcos bilang isang Pangulo at sundalo; isang paglabag umano sa batas kung hindi niya pinahihintulutan ang gayong funeral rite para sa dating pangulo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi maililihim na ang nasabing isyu ang nagiging dahilan ng pagkakawatak-watak ng bansa hanggang ngayon. Ang bangungot ng martial law ay gumigimbal pa sa ilang sektor ng lipunan, lalo na sa mga naging biktima ng naturang rehimen.

Sinasabing sinimot ng gahamang administrasyon ang kayamanan ng bansa; maraming pinatay at nangawala na hanggang ngayon ay hinahanap pa; katakut-takot ang ipiniit na umano’y pawang walang kasalanan; kinitil ang karapatan ng mga mamamayan, lalo na ang karapatan sa pamamahayag o press freedom. Ang kabuhayan ng kapwa natin mga peryodista ay mistulang inagawan ng kabuhayan sapagkat ipinasara ang lahat ng media outfit.

Ang epekto ng gayong matinding pagtalampak sa martial law regime ay pinahihina naman ng Marcos burial caravan na naglakbay patungong Metro Manila mula sa Ilocos Norte.

Taglay nito ang mensahe – hindi lamang ang kahilingan sa SC na maipalibing na ang dating pangulo sa (LNMB) – na marami ring makabuluhang nagawa ang rehimeng martial law.

Kabilang dito ang mga... infrastructure projects na hanggang ngayon ay pinakikinabangan ng kasalukuyang henerasyon. Bukod pa rito ang mga programang pangkaunlaran sa larangan ng ekonomiya at agrikultura.

Sa kabila ng gayong mga pananaw, panahon na upang maghilom, wika nga, ang sugat ng hindi pagkakaunawaan. Kung anuman ang maging pasya ng SC, tulad nga ng sinabi ni Gov. Imee Marcos na kasama sa caravan, magkaisa na tayong lahat.

(Celo Lagmay)