Kinasuhan na ng Office of the Ombudsman ng graft ang dating kongresista na si North Cotabato Vice Gov. Gregorio Ipong dahil sa pagkakasangkot sa “pork barrel” fund scam noong 2007.
Binigyang-diin ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na bukod sa paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), sinampahan din si Ipong ng malversation of public funds.
Sa imbestigasyon ng Ombudsman, natuklasan na nagkaroon ng iregularidad ang paggamit ni Ipong sa P10 milyon bahagi ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na para sana sa mga livelihood project sa ikalawang distrito ng lalawigan.
“Documents showed that Ipong endorsed and identified the Aaron Foundation Philippines, Inc. (AFPI) as NGO-partner with the Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) as implementing agency. Field investigation, however, established that the P10M was released in full in a single tranche despite the [AFPI’s] non-submission of any project implementation and disbursement reports,” anang anti-graft agency. (Rommel P. Tabbad)