ANG sabi ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko, dapat daw lumikha ang Duterte administration ng bagong departamento. Ito ay tatawaging Department of Corrections and Explanations (DCE) na may kaukulang Bureau of Apology (BA). Ang departamento raw na ito ay magtutuon lang ng pansin at panahon sa pagtutuwid at pagpapaliwanag sa mga pahayag ng pangulo, partikular na sa kanyang mga international statement.

‘Di ba’t ang Department of Transportation and Communications (DoTC) ay biniyak at nagtatag ng isang hiwalay na kawanihan? Ito ay ang Department of Transportation (DoTr) na nakatuon sa sistema ng transportasyon sa bansa— air, sea at land? Naisip siguro ng Duterte administration ang departamento ng transportasyon bunsod ng patuloy na paglala ng trapiko sa maraming lugar sa Metro Manila, partikular na sa EDSA.

May mga ulat na maging sa mga pangunahing lungsod ng bansa, katulad ng Cebu City, ay usad-pagong na rin ang trapiko.

Tinatayang bilyun-bilyong piso ang nalulugi sa ‘Pinas kada araw dahil sa matinding pagsikip ng trapiko. Maging ang kalusugan ng mamamayan ay apektado dahil sa matagal na pagkakaipit sa lansangan—polusyon at hindi pagtugon sa kalikasan (pag-ihi)— na nagiging dahilan ng sakit sa bato (kidney).

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kung ilang ulit na nabanggit ni Mano Digong sa pagdalaw niya sa mga kampo-militar at pulisya na baka hindi niya matapos ang anim na taong termino. Sakali raw na hindi niya ito matapos, nais niyang ituloy ng mga kawal at sundalo ang pakikipaglaban sa illegal drugs na sumisira sa utak ng kabataan at buhay ng mamamayan.

May hinala siyang pinopondohan ng drug lords na itumba siya at maging si PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa dahil apektado ng kanyang “bloody drug war” ang mga ito. Maaari raw na sa kanyang malimit na pagsakay sa eroplano ay bigla itong bumagsak. Maaari raw na ipapatay siya ng mga Amerikano sa pamamagitan ng Central Intelligence Agency (CIA) dahil sa pagmumura niya kay Obama at pagkiling sa China at Russia.

Nitong huli, nagsalita na rin si Cabinet Secretary Leoncio Evasco na hindi siya magugulat kung ang mga grupong dismayado at hindi nasisiyahan sa pamamahala ni President Rody ay maglunsad ng coup... d’ etat (kudeta) laban sa Pangulo. Ayon kay Evasco, ang mga Heneral na nabanggit sa drug matrix ni RRD ay isa sa nagpaplano. Posible rin daw ang mga may-ari ng malalaking negosyo na apektdo ng “endo”, at mga negosyanteng may business interests sa US na apektado ng pakikipagkagalit niya.

Ano ba ang mga ito? Nakakikita na ba ng mga “multo” si Mano Digong dahil sa pakikipag-away niya sa US, UN, EU at iba pa kung kaya iniisip niyang baka hindi siya magtagal sa posisyon? (Bert de Guzman)