HINDI marahil maiiwasan na makararating sa Pilipinas ang Zika virus, lalo na kung ikokonsidera ang modernong paraan ng transportasyon ngayon at ang katotohanang mayroong Pilipino sa lahat ng sulok ng mundo ngayon.
Dalawa ang napaulat na nagpositibo sa Zika sa Iloilo noong Setyembre habang masusing nakasubaybay ang Department of Health (DoH) sa buong bansa laban sa virus na kumalat sa buong South at Central America at sa United States. Tumawid ito sa Pacific Ocean patungong Thailand at Singapore, na nasa mahigit 300 kaso na ang napaulat.
Noong nakaraang linggo, naglabas ng ulat si Health Secretary Paulyn Ubial na mayroon nang 17 kaso sa Pilipinas at dalawa sa mga ito ay naitala sa Metro Manila — sa Makati at Mandaluyong. Kaagad namang inalerto ni Manila Mayor Joseph Estrada ang lahat ng anim na ospital at 59 na health center sa lungsod upang maging handa laban sa Zika. Hindi na marahil imposible na magkaroon na rin ng unang kaso ng Zika ang Maynila, ayon kay Dr. Benjamin Yson ng Manila Health Department.
Ang Zika virus ay ikinakalat ng kaparehong lamok na nagdadala ng Dengue at Chikungunya. Ang mga lamok na ito ay nagpaparami sa maruruming lugar na mayroong tubig na hindi dumadaloy. Ang Maynila, na may 1.6-milyong populasyon, ay isa sa may pinakamalalaking populasyon sa mundo, na marami ang nakatira sa matataong komunidad na napapabayaan ang kapaligiran.
Inatasan ni Mayor Estrada ang lahat ng health official sa siyudad na maging handa para sa mga pasyente ng Zika.
Maaaring magpalabas siya ng corollary order sa mga opisyal ng barangay upang matukoy ang mga posibleng lugar na pangitlugan ng mga lamok at linisin ang mga ito. Sa panahon ng tag-ulan, karamihan marahil sa mga napapabayaang lugar na ito ay nagdudulot ng karagdagang banta ng panganib bilang mga pangitlugan ng mga lamok na nagdudulot ng Zika.
Bumuo ang DoH ng hakbanging “Four S” na dapat na ipatupad ng lahat ng pamahalaang lokal sa bansa sa harap ng patuloy na pagdami ng naaapektuhan ng Zika—ang “Search” at sirain ang mga posibleng lugar ng pangitlugan ng lamok; tiyakin ang “Self-protection” laban sa kagat ng lamok sa pamamagitan ng maayos na pananamit; “Seek” ang maagap na konsultasyong medikal; at “Say yes” sa fogging kung nakapagtala na ng maraming kaso ang isang partikular na lugar.
Maganda ang kampanyang ito para sa lahat ng lokalidad sa bansa, hindi lamang sa Metro Manila. Kumalat na ang Zika sa buong mundo at nangangamba ang World Health Organization na aabot sa hangggang apat na milyon ang dinapuan ng sakit sa pagtatapos ng taong ito. Masuwerte tayong mayroon lamang tayong 17 kaso. Gawin natin ang lahat ng uubrang hakbangin upang masigurong mapipigilan ang mga bagong kaso sa pamamagitan ng maayos na paglilinis sa paligid, partikular na ngayong tag-ulan.