ai-ai-kasama-sina-bishop-tobias-bo-sanchez-michaelangelo-lobrin-at-iba-pang-mga-kaibigan-copy

MAY karamdaman si Ai Ai delas Alas nang matanggap niya ang tawag ni Bishop Antonio Tobias ng Diocese of Novaliches, na siya ang recipient ng Solemn Investiture Papal Award Pro Ecclesia et Pontifice o Cross of Honor Award, ang pinakamataas na award na ibinibigay ng Santo Papa sa isang layman. 

Sa mga taga-showbiz, si Ai Ai ang pangalawang ginawaran nito, una si Maestro Ryan Cayabyab for music.

“Napaiyak na lang ako sa tuwa at napaluhod bilang pasasalamat,” sabi ni Ai Ai nang makausap ng reporters bago ang Thanksgiving Mass na ginanap sa Victorino’s restaurant sa Quezon City. “Ang tanong ko sa sarili ko, kung worthy ba ako sa parangal na iyon. Pero kung iyon ang lead ni Lord, para naman may kasaysayan ang buhay ko, tinatanggap ko.”

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ayon kay Bishop Tobias, ang Papal award daw ay hindi dapat tinatanggap na may pagmamalabis, kundi nang buong pagpapakumbaba.

“Kaya kung ano po ang gusto Niyang ipagawa sa akin, tinatanggap ko po. Marami akong kasalanan, marami akong pinagdaaanan at hindi ko iyon inilihim, but the Church is a place of second chances kaya kung ano po ang gusto Niya, tatanggapin ko, kahit mangahulugan iyon ng sakripisyo.”

Pero ang sakripisyong sinasabi ni Ai Ai ay nagsimula na hindi pa man dumarating ang Papal award.

“Nagsimula na akong maging celibate tuwing may movie akong ginagawa hanggang sa mai-showing iyon. Pero ngayon, magiging celibate ako nang tuluy-tuloy, simula pa nang matanggap ko ang balita, hanggang sa nasa tamang panahon na akong magpakasal. Natutuwa ako na tinanggap din ito ni Gerald (Sibayan, ang kanyang 22 year-old boyfriend) dahil hindi raw naman iyon lamang ang gusto niya, sasamahan daw niya ako hanggang sa puwede na kaming magpakasal.”

Isa pa ring paraan, ang pagpapatawad.

“Forgiveness sa lahat ng tao. Kaya lahat ng mga taong nasaktan ko, tinext ko na silang isa-isa at humingi ako ng sorry kung anuman ang nagawa kong kasalanan sa kanila. Ganoon din ang mga taong sinaktan ako, pinatawad ko na rin sila.”

Hindi siyempre naiwasang itanong ang tungkol sa alitan nila ni Kris Aquino, at ang sagot ni Ai Ai: “Noon pa naman, in my heart, napatawad ko na siya, lalo pa ngayon.” 

Kung magkikita raw sila, siya pa ang unang babati kay Kris.

Ang Solemn Investiture Papal Award Pro Ecclesia et Pontifice ay ipagkakaloob kay Ms. Martina Eileen “Ai Ai” de las Alas sa November 11, 2016, 3:00 PM sa Cathedral of the Good Shepherd, Regalado Avenue, Novaliches, Quezon City by Bishop Antonio Tobias of the Diocese of Novaliches.

Last Monday, isang concelebrated Thanksgiving Mass ang inihandog ni Ai Ai with some members of the entertainment press, na pinangunahan ni Bishop Tobias, kasama sina Fr. Eric Santos, Fr. Allan Samonte, kasama rin si Bro. Michael Angelo Lobrin at present din si Bro. Bo Sanchez ng Light of Jesus na tutulungan naman ni Ai Ai sa pagpapagawa ng isang building. Kasalukuyan nang ipinatatayo ang Kristong Hari Church sa Commonwealth, Quezon City na big project ni Ai Ai para sa parishioners doon.

Ipinagpasalamat din ni Ai Ai ang naipanalong Jury Award ng indie film niyang Area mula sa Eurasia International Film Festival sa Kazakhstan. More than winning the best actress award daw ang Jury Award dahil sakop na nito ang buong pelikula at lahat ng mga gumanap dito. 

Ang Area ang magiging closing film ng QCinema International Film Festival na gaganapin sa Trinoma sa Sabado, October 22. (NORA CALDERON)