tenorio-copy

Bangungot ng Game 4, ibabaon sa limot ng Meralco Bolts.

Malaking isyu ang usapin hingil sa ‘non-call’ ng referee sa ipinapalagay na ‘tavelling violation’ ni Sol Mercado ng Barangay Ginebra sa krusyal na sandali ng Game 5 ng OPPO-PBA Governors Cup best-of-seven title series Linggo ng gabi sa Smart-Araneta Coliseum.

Marami ang nagsasabi na malaki ang magbabago sa tempo ng laro kung napituhan ng referee ang naturang turnover, higit at anim na puntos lamang ang bentahe ng Kings nang maganap ang kontrobersyal na play.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Mistulang nilukot na papel ang mukha ni Meralco Bolts coach Norman Black habang nangagalaiti ito sa pagkadismaya nang mga sandaling iyon.

Ngunit, matapos humupa ang mainit na bakbakan at mahimasmasan si Black, iba na ang focus ng isa pinakamatagumpay na coach sa liga.

Mabilis ang pagbaon sa limot ni Black sa kaganapan, dahil mas mahalaga sa kanya ang maibalik ang wisyo ng koponan upang maipuwersa ang ‘winner-take-all’.

Tangan ng Ginebra ang 3-2 bentahe at inasahang mas malupit na Kings ang papagitna sa krusyal na Game Six bukas sa Big Dome.

Maging si Bolts team captain at three-point record holder Jimmy Alapag ay naniniwalang dapat nang kalimutan ang bangungot ng nakaraan at sa halip ay ipokus ang lahat sa planong mahila ang serye sa Game Seven.

"If it wasn't a travel - I thought it was - but again the referees didn't call it, you have to respect their call," pahayag ng one-time MVP at dating team captain ng Gilas Pilipinas.

"The game wasn't won or lost on that, we just weren't good as a team," aniya.

Tulad ni Black naniniwala si Alapag na hindi pa tapos ang laban. Tunay na may bentahe ang Ginebra, ngunit handa ang Meralco na muling maghatid ng lakas na mistulang kuryente na kakanti sa Kings.

"It's win or go home next game and we're not ready to go home yet,” pahayag ni Alapag.

Inamin ni Alapag na maging siya ay may pagkukulang matapos malimitahan sa walong puntos.

Sa kabila ng bantang paghagupit ng bagyong ‘Karen’, sumugod ang mahigit 22,000 tagahanga para suportahan ang kanilang mga idolo.

Kaagad na nakuha ng Kings ang bentahe at nagpakatatag sa krusyal na sandali para maitakas ang 92-81 panalo.

“Things kind of came together for us tonight,” pahayag ni Gin Kings coach Tim Cone.

“And that’s the first time in this series that that’s happened where we got a little bit of defense and we got a little bit of offense together, playing more of a complete game.”

“But all this has done is give us the lead in the series for the first time…but it’s still very close and can go either way,” aniya.

Target ng Kings na makopo ang kauna-unahang kampeonato mula noong 2008.

Iskor:

GINEBRA (92) – Brownlee 29, Aguilar 16, Devance 11, Caguioa 8, Mercado 8, Tenorio 7, Thompson 5, Cruz 2

MERALCO (81) – Durham 20, Hugnatan 17, Hodge 10, Newsome 10, Alapag 8, Uyloan 6, Al-Hussaini 4, Amer 4, Nabong 2, Caram 0, Faundo 0

Quarterscores:

33-19, 54-39, 73-59, 92-81 (Marivic Awitan)