ANG buwan ng Oktubre para sa mga taga-Binangonan, Rizal ay mahalaga at natatangi sapagkat panahon ito ng pagpapahalaga sa kanilang mga namanang tradisyon na bahagi na kultura ng mamamayan. Ang pagbibigay-buhay sa mga tradisyon ay ginaganap sa magkasabay na pagdiriwang ng kapistahan ng Binangonan at ng kanilang patron na si Santa Ursula tuwing ika-21 ng Oktubre.

Ngayong 2016, ayon kay Mayor Cesar Ynares, ang Octoberfest ay tatampukan ng iba’t ibang gawain. Sisimulan ngayong Oktubre 18 ang “Gabi ng mga Kababaihan ng Binangonan”. Gagawin ito sa Casimiro Ynares, Sr. Auditorium.

Tampok din ang isang misa ng pasasalamat, kasunod ang sama-samang panunumpa ng mga opisyal at miyembro ng Barkahan ng Kababaihan ng Binangonan, sa pangunguna ni Dra. Rose Callanta Ynares. Panauhing tagapagsalita si Gng. Margie Duavit, butihing maybahay ni Rep. Michael Jack Duavit, ng unang distrito ng Rizal.

Bahagi rin ang Inter-Barangay Dance Contest ng kababaihan. Bukas, Oktubre 19, magsasagawa ng Community Service of Gender and Development, Education-Livelihood sa mga bilanggo sa municipal jail ng Binangonan, sa pamamagitan ng libreng gupit. Magiging recipient din ang mga municipal employee.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa Oktubre 20, tampok naman ang Drum and Lyre Street Competition ng mga mag-aaral sa iba’t ibang paaralan sa Binangonan. Magsisimula ito sa Ynares Plaza at matatapos sa Casimiro Ynares Auditorium na roon gagawin ang showdown ng lahat ng kalahok sa kumpetisyon.

Ang pinakatampok na bahagi ng Octoberfest sa Binangonan ay sa Oktube 21, na araw ng sabay na pagdiriwang ng kapistahan ng Binangonan at ng kanilang patron na si Santa Ursula. Matapos ang thanksgiving mass sa Sta. Ursula Parish, kasunod na ang masayang parada at pagoda o fluvial procession sa Laguna de Bay sa bahaging sakop ng Binangonan at Pulong Ithan. Kasama sa fluvial procession, sakay ng mga bangkang de-motor na may katig, ang mga mangingisda, kabataang lalake at babae at iba pang may panata at debosyon kay Santa Ursula. Matapos ang fluvial procession, aahon ang mga sumama sa pritil ng Barangay Calumpang, tsaka babalik ang masayang parada sa harap ng simbahan.

Ang sabay na pagdiriwang ng pista ng Binangonan at ni Sta. Ursula na nag-iiwan ng iba’t ibang alaala sa mga taga-Binangonan ay isang lantay na halimbawa ng pagkakaisa ng mamamayan at ng pagpapahalaga at pagbibigay-buhay sa namanang mga tradisyon.

Ang Binangonan, ayon sa kasaysayan, ay kilala sa tawag na Visita de Morong. Naging isang parokya ito noong 1621 at naging bayan noong 1737. Ang simbahan ay sinimulng itayo ng mga paring Franciscano at natapos noong 1800, at hanggang ngayon ay pook-dalanginan ng mamamayan.

Sa Binangonan isinilang sina dating Rizal Rep. Bibit Duavit at Gov. Casimiro Ynares, Jr. na kapwa malaki ang nagawa sa pag-unlad ng Rizal, lalo na nang matapos agawin ang 12 mauunlad na bayan at isama sa Metro Manila noong panahon ng diktadurya at rehimeng Marcos, masunod lamang ang kapritso ni Imelda Romualdez Marcos na maging governor siya ng Metro Manila. (Clemen Bautista)