Nagbigay ng babala si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez sa mga magulo at balot ng kaguluhan na mga national sports associations.

Sinabi ni Ramirez kahapon na hindi ito magdadalawang isip na alisin ang mga tulong pinansiyal sa mga asosasyon na hindi mareresolba ang kanilang internal na problema at kaguluhan sa pagpapatakbo ng kanilang organisasyon.

“I will not hesitate to stop funding NSAs which cannot resolve their problems internally,’’ sabi Ramirez. ``I have instructions from the President (Duterte) to unify sports.’’

Idinagdag ni Ramirez na mas pagtutuunan na lamang ng atensiyon ng ahensiya ang pagdiskurbre ng mga batang atleta kumpara sa maghintay kung kalian mareresolba ang kaguluhan sa loob ng mga NSA’s bagaman ilang beses na itong pinakiusapan na magkaisa.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“We will be wasting time. If nothing happens with the healing process or unification, we might as well focus our support on grassroots development,’’ sabi ni Ramirez.

Ilang NSA’s ang hanggang sa kasalukuyan ay nababalot ng kaguluhan ang liderato habang ang iba naman ay isinailalim sa pangangalaga ng Philippine Olympic Committee (POC) kahit hindi makatwiran.

Naging kontrobersyal ang tennis association nang magpatawag ng eleksiyon si dating PSC commissioner Salvador ‘Buddy’ Andrada na tinuligsa naman ni Randy Villanueva, ang vice president ng Philippine Tennis Association (Philta).

Ayon kay Villanueva, hindi kailangang magsagawa ng eleksiyon dahil nagbitiw lamang sa kanyang puwesto bilang pangulo si Parañaque Mayor Edwin Olivarez.

Kinatigan ng International Tennis Federation ang grupo ni Vuillanueva, ngunit umayuda ang POC kay Andrada.

“We cannot interfere, we’re just here to bridge the gap for them to resolve,’’ sabi ni Ramirez ``The POC, as the umbrella organization, should be the one to explore the resolutions to the problems of its member associations.’’

Maliban sa tennis, nananatili pa rin ang kaguluhan sa liderato ng archery, baseball, bowling, volleyball at wrestling. (Angie Oredo)