MULING ibinalik sa dalampasigan ang mga grupo ng pagong, para sa kanilang lubos na kalayaan matapos silang alagaan sa Indonesian conservation centre.

Pinakawalan ang mga pagong ng mga lokal na turista sa Pariaman City, sa isla ng kanlurang Sumatra, sa harap ng Turtle Conservation Technical Operating Unit.

Protektado ang mga pagong, na nanganganib na maubos dahil sa pangangaso at pagkasira ng kanilang tirahan, sa ilalim ng batas ng Indonesia at ng government-run facility na pangunahing nakatuon sa pangangalaga sa mga olive ridley, hawksbill at green turtles.

Ang pasilidad ang nangangalaga sa bagong silang na mga pagong sa loob ng ilang buwan para matiyak ang kanilang pagkabuhay, bago pakawalan ang mga ito sa karagatan.

Kapag nadala ito sa pasilidad, inilalagay sila sa malilit na pool na mayroong kahalong tubig-dagat. Pinapalitan ang tubig araw-araw para mapanatili itong bago at sariwa at para malinis ang shell ng mga pagong.

Halos 1,000 baby turtles at halos 50 matatanda ang kasalukuyang nasa pasilidad, na itinatag noong 2009.

Mayroon din itong breeding facility kung saan inilalagay ang mga hindi pa napisang itlog at dinadala sa mga incubator.

Nahawakan na ng pasilidad ang mahigit sa 30,000 sea turtles simula nang maitatag ito. Maaaring magbayad ng 10,000 rupiah (70 US cents) para pakawalan ang mga pagong sa karagatan.

Anim sa pitong uri ng pagong ang matatagpuan sa Indonesia, isang archipelago na may higit 17,000 isla na tahanan ng samu’t saring hayop.

Nanganganib na ang halos lahat na uri ng pagong. Ikinokonsidera na delicacy ang kanilang itlog kaya pinapatay ang mga ito para kainin ang kanilang karne, balat, at shells. (Agencé France Presse)