BEIJING, China – Kasama sa misyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa apat na araw niyang pagbisita dito ngayong linggo ang pagpapalakas sa bilateral at economic collaboration ng Pilipinas at China.
Bago dumating sa Beijing, inilahad ng Pangulo ang kanyang mga plano na muling pasiglahin ang pagkakaibigan, hikayatin ang mangangalakal at pamumuhunan, at silipin ang mga bagong “areas of partnership” sa China nang hindi ipinagpapalit ang territorial rights ng Pilipinas.
Mula sa kanyang state visit sa Brunei, nakatakdang dumating si Duterte sa Beijing ngayong Martes para sa state visit hanggang sa Oktubre 21, sa imbitasyon ng gobyerno ng China.
“We shall seek ways to strengthen cooperation, particularly to intensify two-way trade and investments,” pahayag ng Pangulo kamakailan.
Bago nito, tiniyak ng Pangulo na walang mangyayaring “bargaining” sa teritoryo ng bansa sa South China Sea.
“No bargaining of our territories whether within the turf or to the 200, it will remain a special concern and I will be very careful not to bargain anything,” aniya.
Ang unang aktibidad ni Duterte sa Beijing ay ang pakikipagkumustahan sa Filipino community sa Grand Hyatt hotel sa Miyerkules ng gabi.
Sa Huwebes magaganap ang inaabangang pagpupulong nila ni Chinese President Xi Jinping, at ang state banquet sa Great Hall of the People.
Inaasahang sasaksihan ng dalawang lider ang paglalagda sa ilang kasunduan na magpapalawak sa bilateral at economic cooperation ng dalawang nasyon.
Pagkatapos nito ay makakapulong naman ng Pangulo sina Chinese Premier Li Keqiang at National People’s Congress chairman Zhang Dejiang.
“I will look forward to renewing the ties of friendship between the Philippines and China and to reaffirm the commitment to work closer to achieve shared goals for our countries and peoples,” sabi ni Duterte.
Isusulong ng Pangulo ang muling pagpapasigla sa kalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng dalawang bansa sa idadaos na business forum.
Bago lumipad pabalik ng Pilipinas sa Biyernes, makikipagpulong muna ang Pangulo sa mga opisyal ng Bank of China sa Beijing. (GENALYN D. KABILING)