Isang barangay kagawad na kaapelyido ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naaresto kasama ang dalawa pang kapwa niya opisyal ng barangay dahil sa pag-iinuman sa pampublikong lugar sa Pasay City, alinsunod sa Oplan RODY (Rid the Streets of Drunkard and Youth).

Kinilala ni Senior Supt. Nolasco Bathan, hepe ng Pasay City Police, ang mga naaresto na sina Ferdinand Duterte, 38; Jessie Feria, 59, kapwa kagawad ng Barangay 57; at Victor Villanueva, 50, secretary ng Bgy. 58, Tramo.

Ayon sa paunang imbestigasyon, dakong 11:00 ng gabi nang arestuhin ng mga pulis sina Duterte, Feria at Villanueva sa gitna ng masayang inuman sa Tramo Street sa Bgy. 56.

Sa kumprontasyon, nagmayabang pa umano si Villanueva na isa siyang barangay secretary at iginiit na nagkakatuwaan lamang sila.

Trillanes, iginiit na 'wala sa katinuan' si VP Sara

Sa isang report, sinabi ng Pasay City Police na ipinagmalaki ni Villanueva kina PO1 Raymand Lano, PO1 John Ray Bravo, at PO1 Jam Mark Cruz na: “Sa Office of the Mayor ako!”, at nagbantang ipadadala niya sa Basilan ang hepe ng mga ito.

Sa huli, dinakip din ang tatlo at kinasuhan ng paglabag sa City Ordinance No. 265 (Drinking Liquor in Public Places).