SINIMULAN ngayon ni Pangulong Duterte ang kanyang apat na araw na pagbisita sa China, at ang delegasyon niya ay kinabibilangan ng daan-daang negosyante, kasama ang ilan sa mga pangunahing tycoon sa bansa. Umaasa siyang makapag-uuwi ng bilyun-bilyong dolyar ng pamumuhunan at kasunduang pangkalakalan para sa pagbebenta ng mga saging, pinya at iba pang produkto ng Pilipinas.
Ginawa ang pagbisita ilang buwan makaraang magdesisyon ang Permanent Court of Arbitration sa Hague laban sa pag-angkin ng China sa halos buong South China Sea, idineklarang ang iginigiit nitong nine-dash-line sa malaking bahagi ng karagatan ay walang legal na basehan at nanawagan sa China na irespeto ang tradisyunal na karapatan ng mga Pilipino at ng iba pang mula sa ibang bansa na mangisda sa Scarborough Shoal, na tinatawag nating Panatag Shoal o Bajo de Masinloc, na malapit sa baybayin ng Zambales.
Sa simula pa man, tinanggihan na ng China ang pagdinig ng korte sa usapin at nang ipalabas na ang desisyon, nanindigan ang China na hindi nito iyon kikilalanin. Walang plano ang Pangulo na talakayin ang pasya ng Arbitral Court sa kanyang pagbisita sa China. Ngunit sinabi niyang aapela siya para sa mga mangingisdang Pilipino.
Nakaaapekto sa mga hangaring pang-ekonomiya ng pagbisita ng Pangulo ang mga implikasyong pulitikal ng paulit-ulit niyang pagpapahayag na panahon nang magkaroon ng higit na nagsasariling foreign policy ang Pilipinas, isang polisiyang hindi nakadepende sa United States. Sinabi niyang sa China at Russia na kukuha ang Pilipinas ang mga armas na kailangan nitong bilhin. Inihayag din niyang wakasan na ang taunang magkatuwang na military exercises ng sandatahan ng Pilipinas at Amerika.
Mahalagang linawin na hindi kasama si dating Pangulong Fidel V. Ramos sa pagbisita ni Pangulong Duterte sa China, bagamat una na siyang inatasan ng Pangulo upang pangunahan ang isang hindi opisyal na pagbisita sa China ilang linggo matapos ibaba ang desisyon sa Hague.
Sa huling bahagi ng kanyang pagbisita sa China sa Biyernes, umaasa si Pangulong Duterte na maipasasalubong niya sa mga Pilipino ang mga kasunduan sa pagpopondo na mabubuo niya kasama ang mga bangko at mga pribadong kumpanyang Chinese para sa mga riles at sa iba pang proyekto na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng $3 billion. Inaasahan natin ang isang bagong panahon ng ating ugnayang pang-ekonomiya sa China, na hanggang ngayon ay nananatiling pangunahin sa pag-angkat ng mga produkto mula sa Pilipinas.
Asahan nating ang pagbisitang ito ay makatutulong kay Pangulong Duterte sa pagbuo ng higit na nagsasariling foreign policy para sa bansa—nang hindi na kakailanganing tapusin ang malapit nating relasyon sa United States at sa iba pang mga bansa na mayroon tayong makasaysayan at subok nang mga ugnayan.