Matapos ang tatlong buwang manhunt operations, natiklo rin ang umano’y top ‘drug lord’ ng Visayas na si Rolan ‘Kerwin’ Espinosa.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Ronald dela Rosa, si Kerwin ay dinampot sa Abu Dhabi, United Arab Emirates (UAE), sa pangunguna ni Senior Supt. Albert Ignatius Ferro, pinuno ng PNP Anti-Illegal Drugs Group.
“Just this morning at around 2 a.m., our team from Anti-Illegal Drugs Group in coordination with the Criminal Investigation Division of Abu Dhabi Police, arrested the drug lord Kerwin Espinosa. He is now under the custody of the Abu Dhabi Police,” ayon kay Dela Rosa sa press briefing sa Camp Crame kahapon.
Si Espinosa ay nagtago at tinugis ng mga awtoridad matapos siyang pangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa illegal drug trade, kasama ang kanyang ama na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr.
Sa kanyang pagbabalik sa bansa, posibleng makasama niya sa kulungan ang kanyang ama na kinasuhan na matapos makumpiska sa kanilang tahanan sa Albuera ang 11.5 kilo ng shabu at matataas na kalibre ng armas. Anim na tauhan ng mga Espinosa ang napatay sa engkwentro noong nakaraang Hulyo.
Ininguso ng OFWs
Sinabi ni Dela Rosa na natunton sa Abu Dhabi si Kerwin dahil na rin sa tip ng overseas Filipino workers (OFWs) na nakakita at nakakilala sa kanya roon.
“We received calls from the OFWs saying that he is in Abu Dhabi. Some of them even told us the building where Kerwin has been staying,” ayon pa kay Dela Rosa.
Nagpunta sa Abu Dhabi ang team ng AIDG upang berepikahin ang impormasyon hanggang matukoy si Kerwin na inaresto naman ng Abu Dhabi police.
Panik
Unang tumungo si Kerwin sa Malaysia nang umugong ang pangalan niya bilang ‘drug lord’.
Mula sa Malaysia, lumipad sa Abu Dhabi si Kerwin at nang malapit nang mapaso ang kanyang panahon ng pananalagi sa lugar, nagtungo umano si Kerwin sa ilang travel agencies at nagpapatulong para ma-extend pa ang kanyang pananatili sa Abu Dhabi.
Dahil dito, nakilala umano ng ilang OFWs si Kerwin at ininguso sa pulisya.
Witness?
Samantala umugong naman ang usap-usapang pwedeng gawing testigo si Kerwin laban sa mga pulitiko at police officials na sangkot sa droga.
Ayon sa sources, kapag pumayag si Kerwin na magsalita laban sa malalaking taong sangkot sa ilegal na droga, pwedeng ayusin ng mga awtoridad kung saan siya ipipiit.
Magugunita na kamakailan lang ay nagsampa ng kaso ang Albuera police laban kay Senator Leila de Lima at Kerwin, dahil sa pagtanggap umano ng pera ng una sa ‘drug lord’.
Ang alegasyon ay mahigpit na pinabulaanan ni De Lima at sinasabing hindi niya kilala ang mga Espinosa.
(AARON RECUENCO at FER TABOY)