MAY bago nang Press Officer ang United States Embassy sa Pilipinas. Siya ay si Press Attaché Molly Rutledge Koscina, na taglay ang “charm offensive” para gampanan ang kanyang bagong trabaho. Naniniwala siyang angkop ang bagong trabaho sa harap ng pambihirang istilo ni President Rodrigo Roa Duterte sa pakikipagrelasyon sa matagal nang kaalyado ng ating bansa, ang US.

Nakahanda raw ang 5’11” lady press attaché na ma-counter ang masasakit at mabibigat na pahayag ng Pangulo laban sa Amerika. Si Koschina ay isang articulate, sanay, at isang American diplomat. Pinalitan niya bilang press attaché si Spokesperson Kurt Hoyer. Sinabi ni Koscina na sa loob ng 12 taon niya sa US State Department at pagkakatalaga sa Havana, Cuba, Beijing at Shanghai ay hindi pa siya nakae-encounter ng katulad ni RRD na walang patumangga sa pagbanat sa US, na kaibigan at kaalyado ng Amerika sa nakalipas na maraming taon.

Si US Ambassador Philip Goldberg, na “nakaaway” din ni President Rody at tinawag pang “bakla” at sinabihan ng Pu%$#* i@%, ay aalis na at papalitan ni Sung Y. Kim bilang bagong ambassador ng US sa ‘Pinas. Si Kim, na dating ambassador sa South Korea, ang unang Asian-American ambassador sa bansa.

Hindi ba ninyo napapansin na laging dumadalaw at nakikipag-usap sa militar at pulisya ang ating Pangulo? Marami nang kampo-militar at himpilan ng pulisya ang kanyang pinuntahan, kinakausap ang mga kawal at pulis, hinihikayat na labanan nang todo ang illegal drugs. Pinalalakas niya ang loob ng mga ito sa pagsasabing handa niyang ipagtanggol ang mga ito kapag kinasuhan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Bukod dito, paulit-ulit din niyang pinangangakuan ang mga sundalo at pulis na dodoblehin ang suweldo ng mga ito kahit na ang pondo para rito, ayon kay Budget Sec. Benjamin Diokno, ay hindi nakasama sa 2016 national budget. Mag-isip at magsuri tayo kung bakit madalas siya sa mga kampo ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

Sa Constitution, isinasaad na ang AFP ang tagapagtanggol ng bansa, hindi ng presidente o sino man. Tanging ang militar ang sandalan ng proteksiyon ng Pilipinas kapag may invasion, insurrection o ano mang mabigat na karahasan at krisis. Bukod dito, naiisip marahil ng ating mahal na pangulo na tanging ang militar lamang, kasama ang pulisya, ang maaaring maglunsad ng kudeta laban sa kanya kaya dapat na mabait at masuyo siya sa AFP.

Kamakailan, inihayag ni President Rody na may nasasagap siyang ulat na baka itumba siya ng US sa pamamagitan ng Central Intelligence Authority (CIA) dahil sa kanyang pagmumura kay President Barrack Obama at pagkalas sa US. Noong una, may mga ulat na ang mayayamang drug lord ay nagpondo ng isa o dalawang bilyong piso upang itumba sila ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa dahil sa paglaban nila sa illegal drugs.

Sana naman ay hindi mangyari ito, sapagkat tanging si President Rody ang may political will na tagpasin ang mga utak at galamay ng bawal na droga na sumisira sa kaisipan at kinabukasan ng mga Pinoy! (Bert de Guzman)