aiai-copy

MAKAILANG beses sa isang taon pinapasyalan ni Ms. Ai Ai delas Alas ang simbahan ng Sto. Niño de Tondo. Kahit ayaw ipaalam ng aktres, halos lahat naman ng taga-Tondo, lalung-lalo na ang church workers, ay aware sa mga naitulong ni Ms. A sa pagpapagawa ng naturang simbahan noong si Rev. Fr. Eric Santos pa ang kura paroko.

Sa kasalukuyan, may tinutulungan uli at malapit nang matapos ang ipinapatayong Kristong Hari Church sa Commonwealth Avenue sa Quezon City. Isa rin si Ai Ai sa mga namumuno ng Anawin Lay Missions Foundation sa Montalban, Rizal.

Kaya hindi kataka-taka ngayong gagawaran si Ai Ai ng Pro Ecclesia et Pontifice (translation from Latin: For Church and Pope) o Cross of Honor medal, na ipinagkakaloob ng Simbahang Katolika – mula mismo sa Santo Papa -- sa isang laity na katangi-tangi ang paglilingkod sa simbahan.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Natanggap na ni Ai Ai ang ipinadalang sulat sa kanya mula kay Most Rev. Bishop Antonio Tobias para sa pagiging papal awardee niya.

Siyempre, masayang-masaya si Ms. A sa karangalang ibinigay sa kanya ng Simbahang Katolika.

“I am really humbled and honored na nabigyan ako nito, sa dami ng tao sa mundo, isa ako sa mga nabiyayaan. Hindi ko ini-expect at hindi ko deserve ito, pero may plano ang Diyos kung bakit Niya ako binigyan ng ganito,” sabi ni Ai Ai.

Dagdag pa ng magaling na comedy actress na isa sa mainstays ng Sunday Pinasaya ng GMA-7, marahil daw ay siya ang magiging instrumento para lalong palawakin ang katekismo at makatulong pa sa kapwa niya hanggang sa abot ng kanyang makakaya.

Marami ang nakakaalam na deboto ng Mahal na Birheng Maria si Ai Ai delas Alas. Katunayan, naging pasimuno siya sa fundraising project para sa kakaibang konsiyerto na For the Love of Mary noong November 2015 sa MOA Arena.

Iyon ay bilang pasasalamat at pagbibigay parangal niya kay Mama Mary. Ang October, incidentally, ay Month of the Holy Rosary.

Mismong si Bishop Antonio Tobias ang nag-nominate kay Ai Ai at sa Vatican naman pinagpasyahan ang pagiging awardee niya.

Iniisa-isa ni Bishop Tobias ang mga dahilan kung bakit si Ai Ai ang napili nila. Hindi lang naman daw sa pelikula at telebisyon napapasaya ng aktres ang mga tao kundi pati na rin sa personal na pangangailangan ng mga ito.

Hindi na mabilang ang mga tinutulugan ni Ai Ai na maysakit, mga poorest of the poor, at mga batang inabandona ng mga magulang. Tahimik pa rin niyang sinusuportahan ang mga proyekto ng Missionaires of Charity sa Tondo.

Ayon pa rin sa sulat, si Ai Ai ang mismong nagpapaligo sa may sakit at matatandang nasa pangangalaga ng Missionaries of Charity. Hindi rin daw lumilipas ang Pasko na hindi dinadalaw ni Ai Ai ang mga ito na karamihan ay hindi siya kilala bilang showbiz personality.

Tuluy-tuloy din ang pagtulong ni Ai Ai sa mga seminarista ganoon din ang mahihirap na kabataan na nakakapag-aral dahil sa tulong niya.

Siyempre, isa rin sa achievements ni Ai Ai -- na naging isa sa mga dahilan ng pagkakaloob sa kanya ng Cross of Honor -- ang pagtulong niya sa dating child actor na si Jiro Manio na alam ng lahat na napariwara ang buhay dahil sa droga.

(JIMI ESCALA)