CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga – Bagamat nakalabas na ng bansa ang bagyong ‘Karen’, mahigit 80,000 katao naman sa Central Luzon ang naaapektuhan sa matindi nitong paghagupit nitong Linggo, sinabi kahapon ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC)-3.

Sinabi ni Josefina Timoteo, director ng Office of Civil Defense (OCD)-3 at concurrent chairperson ng RDRRMC-3, na sinalanta ng bagyo ang 80,458 katao (17,157 pamilya) mula sa 260 apektadong barangay sa Aurora, Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga at Zambales.

“Many of the families have sought temporary shelters in various evacuation centers in the region. Our member-agencies have provided initial aid to the displaced families including medicines and non-food items such as cooking and eating utensils, malong, and laminated sacks, among others,” ani Timoteo.

Sa update dakong 6:00 ng umaga kahapon, sinabi ng RDRRMC-3 na may kabuuang 39 na barangay ang nananatiling lubog sa hanggang tuhod na baha sa Bulacan (11), Pampanga (12) at Nueva Ecija (16), ayon kay Timoteo.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Region 3 na nakapaghatid na ito ng 5,000 family food pack sa Nueva Ecija Home for Girls sa Palayan City, bukod pa sa 500 sa Bulacan.

Inihahanda na rin ng Department of Health (DoH) sa rehiyon ang pamamahagi ng mga gamot sa lahat ng binahang lugar bilang pangontra sa nakamamatay na leptospirosis.

Samantala, 3,864 na bahay sa Aurora at Tarlac ang nawasak o napinsala ng bagyong Karen, na ang pinakamarami ay naitala sa Baler, ayon pa rin sa RDRRMC-3.

SARADONG KALSADA;

BALIK-KURYENTE

Dahil pangunahing tinamaan ng bagyo, iniulat ng Aurora PDRRMC na hindi pa rin madaanan ang mga pangunahing lansangan patungo sa Baler-Casiguran at Dilasag dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig mula sa kabundukan ng Sierra Madre.

Ayon kay DPWH Engineering District Chief, Engr. Reynaldo Alconcel, hindi pa madadaanan ang Baler-Bongabon Road sa Barangay Villa at Ma. Aurora Road.

Kasabay nito, iniulat naman ni AURELCO Manager Noel De Vera na may 27 poste ng kuryente sa Sierra Madre Mountain Range ang nabali at maraming puno ang bumagsak kaya aabutin, aniya, ng isang linggo bago tuluyang maibalik ang supply ng kuryente sa lalawigan.

Sa Dingalan, iniulat ni Mayor Sherwin Taay na nasa 1,924 na pamilya o 6,592 indibiduwal ang inilikas sa 38 evacuation center, at pinagkalooban na rin ng mga food pack.

Nanawagan naman ang Samahang Industriya ng Magsasaka (SINAG) sa pamunuan ng San Roque Dam na maagang magpalabas ng tubig dahil inaasahang matindi rin ang gagawing pananalasa sa Luzon ng bagyong ‘Lawin’.

“Mukhang ang direksiyon ng bagyo ay ang Ilocos region at tiyak na magdudulot ito ng malaking danyos sa pananim, kaya makakabuti kung makapag-release na [ng tubig] nang maaga bago pa maramdaman ang malakas na bagyo,” ani Engr. Rosendo So, chairman of SINAG.

Karamihan ng magsasaka ay nakatakdang mag-ani ngayong buwan, ngunit masyado pang maaga para gawin ito ngayong linggo.

(FRANCO REGALA, LIGHT NOLASCO at LIEZLE BASA IÑIGO)