Isang 19-anyos na babaeng Brazilian ang inaresto ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) makaraang makumpiskahan ng 6.2 kilo ng high-grade cocaine na nagkakahalaga ng P30 milyon, nitong Sabado ng hapon.

Ayon sa NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG), dinakip si Yasmin Fernandes Silva, 19, ng Sao Paulo, Brazil kasunod ng tip na natanggap ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula sa United States Drug Enforcement Agency (USDEA).

Sa ulat ng NAIA-IADITG, nabatid na dumating si Silva sa NAIA dakong 5:20 ng hapon sakay sa Emirates Airline flight EK-332 mula sa Dubai.

Pagdating pa lang sa paliparan ay agad nang hinarang si Silva ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) at nang pabuksan sa dayuhan ang kanyang bagahe at inspeksiyunin ito ay natagpuan doon ang isang itim na unan na nakapaloob doon ang ilang pakete ng cocaine.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“On-site chemical tests of the seized cocaine yielded positive results,” saad sa report ng anti-narcotics agents.

Inilipat na si Silva sa kostudiya ng PDEA, gayundin ang mga cocaine na nakuha sa kanya.

Oktubre 5 lamang nang maharang ng mga awtoridad sa NAIA ang kapwa Hong Kong national na sina Chan Kawai at Pau Homanevan, at ang Russian na si Kirdyushkin Yuri, sa pagbibitbit ng nasa P135 milyon halaga ng cocaine mula sa Brazil. (MARTIN A. SADONGDONG)