Habang papalabas ang bagyong ‘Karen’ na bahagyang lumumpo sa north Luzon, papasok naman ang bagyong ‘Lawin’ na posible umanong maging super typhoon.

Ayon kay Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) weather forecaster Benison Estareja, “mas malaki si bagyong ‘Lawin’ at maraming maaapektuhan.”

Ang bagyong ‘Lawin’ na inaasahang mas malakas sa bagyong ‘Karen’ ay papasok sa buong Luzon mamayang hapon at inaasahang lalakas sa Miyerkules hanggang Biyernes.

Sa unang pagtataya, may lakas na 210 hanggang 250 kilometer per hour ang bagyong ‘Lawin’.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Dam binuksan

Nagpakawala kahapon ng tubig ang apat na pangunahing dam sa Luzon dahil na rin sa walang tigil na pag-ulan bunsod ng bagyong ‘Karen’.

Sa pahayag ng Meteorological and Hydrological Division ng PAGASA, umapaw ang tubig sa Ipo Dam, Bustos, Binga Dam at Magat Dam sa San Mateo, Isabela.

Sinabi ng PAGASA na nagpasya silang buksan ang spilling gate ng apat na water reservoir matapos na umabot sa spilling level ang tubig ng mga ito.

3 patay

Tatlong katao naman ang iniulat na namatay dahil sa pananalasa ng bagyo.

Batay sa report, kabilang sa mga namatay ang dalawang bata na natabunan ng gumuhong tone-toneladang bato sa Binangonan, Rizal sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Karen.

Sinabi ni Major Virgilio Perez Jr., Public Information Officer (PIO) ng Armed Forces of the Philippines (AFP)-Southern Luzon Command, naganap ang insidente kamakalawa dakong 10:00 ng gabi sa gitna na rin ng malakas na pagbuhos ng ulan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Arcille Latoja, 26; Rex Adrian Latoja, 6; at Reynold Latoja, 3, habang patuloy na ginagamot sa ospital ang isa pang biktima na si Luisito Oliveros, 38.

Istranded

Dahil maraming pangunahing daan ang isinara, libu-libong pasahero naman ang naistranded dahil kay ‘Karen’.

Sa Catanduanes, Sorsogon at Camarines Sur, tinatayang nasa 1,000 katao ang istranded sa mga pantalan dahil hindi pinayagang maglayag ang mga barko.

Mahigit 1,300 pasahero naman ang nanatili sa Batangas Port dahil din sa pagkansela ng biyahe ng mga barko.

Umaabot naman sa 8,000 katao ang inilikas sa mga bayan ng Baler, Dipaculao, Dinalungan, Casiguran, Dilasag at Dingalan.

Walang kuryente

Nagdulot rin ng matinding brownout si ‘Karen’ kung saan sa Pangasinan pa lang, 22 munisipalidad ang nawalan ng kuryente matapos ideklara ang Signal no. 3 sa lalawigan.

Maging ang Baguio City, Aurora at Benguet, nawalan din ng power supply.

(ROMMEL P. TABBAD, Ellalyn B. De Vera, FER TABOY at Liezle Basa Iñigo)