CHENZHOU-HUNAN, China – Ginapi ng China Kashgar, sa pangunguna ni naturalized Pinoy Andray Blatche na kumana ng 22 puntos, walong rebound at dalawang assist, ang Lebanon's Al Riyadi, 96-88, para makopo ang FIBA Asia Champions Cup.
Hataw si Blatche, naglalaro bilang import sa koponan ng Chinese Basketball Association (CBA), sa kabuuan ng laro para sandigan ang kampanya ng China sa club competition.
Nag-ambag ang isa pang import na si Darius Adams ng 19 puntos.
Nanguna si Dewarwick Spencer, naglaro sa Team Philippines-Mighty Sports sa kampeonato sa nakalipas na Jones Cup sa Taipei at Merlion Cup sa Singapore, sa Al Riyadi sa nakubrang 19 puntos at tinanghal na tournament MVP.
Nakamit ng Petrochimi ng Iran ang ikatlong puwesto matapos pabagsakin ang Al Ahli ng UAE, 100-74.
Kabilang sa top five ng liga ang Al Shorta ng Iraq, nagwagi sa Pauian ng Chinese Taipei sa classification game, 81-72, habang naungusan ng Qatar’s Al Rayyan ang Barsy Atyrau ng Kazakhstan, 84-78, para sa ikapitong puwesto.