IPINAGDIWANG ang kauna-unahang AniLinang Festival sa Majayjay, Laguna kasabay ng ika-445 foundation day ng bayan. Ang AniLinang ay nangangahulugan ng masaganang ani sa linang o bukid.
Simula nang maupo noong Hulyo ang bagong administrasyon sa pamumuno ni Mayor Carlo Invinzor Clado, pinag-aralan na ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Majayjay ang pagbalangkas sa naturang programang panturismo.
Mula sa bisa ng executive order ng alkalde, pormal na nabuo ang Municipal Tourism Council noong Agosto. Ayon kay Konsehal Edison Reyes, vice chairman ng committee on tourism, nabuo ang pangalan ng festival na ito mula sa pinagsama-samang ideya ng mga miyembro ng Municipal Tourism Council. Bagamat maigsi ang panahon ng paghahanda, naipagdiwang ang unang AniLinang Festival noong Setyembre 26 hanggang Oktubre 2.
Isang linggong ipinagdiwang ang kauna-unahang festival na makabuluhan at sumasalamin sa kultura, kabuhayan at turismo ng Majayjay.
Sinikap ng pamahalaang bayan na maging pantay-pantay ang lahat ng sektor sa naturang kasiyahan. Dito nasaksihan ang first live TV coverage (ng Unang Hirit sa GMA-7), first Majayjay Got Talent, first Zumba Contest, first Agri Day, first People’s Night at higit sa lahat ang first week-long celebration.
Pagsasaka ang pangunahing hanapbuhay ng mga taga-Majayjay kaya binigyang halaga sa pagdiriwang ng festival ang mga produktong ani mula sa mga bukirin na itinampok sa Agriculture Day.
Bukod sa hindi matatawarang kasipagan ng mga magsasaka sa Majayjay, inilabas din ng mga tagaroon ang kanilang iba’t ibang kakayahan at talento. Inabangan at nilahukan ng iba’t ibang sektor ang fun run, palaro ng lahi, at Majayjay Got Talent sa unang araw ng selebrasyon. Zumba contest at dinner for a cause ang ginanap sa pangalawang araw.
Naging aktibo naman ang mga senior citizen sa Groovy nina Lolo at Lola, nagpakitang-gilas sa pag- indak at nagpagandahan sa iba’t ibang kasuotan ang mga kalahok sa street dancing at naging bida ang mga misis sa Gng. Majayjay para sa Women’s Night.
Nabigyan din ng oportunidad ang mga naghahanap ng trabaho sa job fair, pinasigla at kinilala ang mga guro sa DepEd night. Hindi rin naisantabi ang kalusugan ng mga residente dahil nagkaroon din ng medical and dental mission.
Pinabongga naman ang pagdiriwang dahil sa pagtatanghal ng Ms. Gay.
“Ito ay upang ipakita at iparamdam sa LGBT community na bahagi sila ng lipunang ito. Nais masiguro ng pamahalaan na makapagdadaos sila ng programa na magsusulong ng kanilang karapatan at kakayahan,” ayon kay Reyes.
Inaasahan na mas kaabang-abang ang pagdiriwang ng AniLinang Festival sa Majayjay sa mga susunod na taon na ang layunin ay para mapaunlad ang turismo sa bayang ito.
Ang bayan ng Majayjay ay matagpuan sa paanan ng Mt. Banahaw, nasa 120 kilometro ang layo mula sa Manila. Katabi nito ang Magdalena sa North-West; Lucban, Quezon sa South East; Luisiana Laguna sa North-East at Liliw, Laguna sa Kanluran. Binubuo ng 40 barangay, sa kasalukuyan ay 4th class municipality ang Majayjay.
Sinisikap ng lokal na pamahalaan na maiangat pa ang Majayjay sa larangan ng ekonomiya at turismo na hindi maisasantabi ang kanilang napakayamang kultura, kaugalian at payapang pamumuhay na minana pa nila sa kanilang mga ninuno. (LYKA MANALO)