Agad na sisimulan ang nominasyon para sa mga nagnanais na kumandidato at mahalal bilang mga opisyales at director ng Philippine Olympic Committee (POC) matapos ang isinagawang pagpupulong ng tatlo kataong uupo at mamamahala sa eleksiyon Biyernes sa Inaguki Restaurant sa Shangri-la Makati.

Ito ang sinabi ni POC Secretary General Steve Hontiveros na nakipagpulong sa tatlo kataong komite na siyang magsasagawa sa eleksiyon ng pribadong organisasyon sa sports matapos na itakda ang susundin na guidelines para sa kada apat na taong aktibidad na isasagawa sa Nobyembre 25.

“They will have to explain first the guidelines of elections that they have set to all concerned and then the filing of candidacy and nominations follows immediately,” sabi ni Hontiveros.

Ang tatlo kataong mamamahala sa eleksiyon ay binubuo naman nina Abono partylist Rep. Conrado Estrella, dating International Olympic Committee (IOC) representative Frank Elizalde at De La Salle Zobel president Bro. Bernie Oca.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Asam naman ng kasalukuyang pangulo ng POC na si Jose “Peping” Cojuangco na makamit ang panibagong apat na taong pamamahala matapos na magsilbi sa nakalipas na tatlong termino.

Matatandaang nailuklok si Cojuangco sa puwesto noong 2004 at nakatakdang maging pinakamahabang nagsilbi bilang pangulo ng POC bunga ng kawalang kuwalipikasyon ng halos 43-katao na makakaboto sa eleksiyon na binubuo ng mga National Sports Association (NSA’s) president at secretary general.

Paglalabanan naman ang iba pang mga posisyon tulad ng POC Chairman, first at second vice president, treasurer at auditor.

Hangad ni Larong Volleyball ng Pilipinas Inc. president Joey Romasanta na mapanatili ang kanyang posisyon bilang POC first vice president bagaman inaasahang makakatapat nito ang kasalukuyang Triathlon association secretary-general at POC Chairman na si Tom Carrasco.

Iniulat din na ang Board member na si Jonnie Go ay tatakbo bilang POC treasurer kung saan makakatapat nito ang kasalukuyang nakaupo na si Julian Camacho na secretary general ng Wushu.

Ang House committee on youth and sports development chairman na si Estrella ang itinakda bilang chairman ng komite at siyang maghahayag sa deadline para sa pagsusumite ng kandidatura sa eleksiyon. (Angie Oredo)