Nahalal na bagong pangulo ng Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission (POC-PSC) Media Group ang sports journalist na si Felipe “June” Navarro Jr. ng Philippine Daily Inquirer sa eleksiyon na ginanap sa PSC Media Center sa Vito Cruz, Manila.
Nagkakaisang ibinoto ng mayorya ng 19 na voting member si Navarro na papalitan ang dating presidente ng organisasyon na si Gilbert Cordero ng Philippine Star para sa susunod na apat na taong termino base sa sinusunod na cycle at magtatapos sa 2020 Tokyo Olympics.
Maliban kay Navarro ay inihalal din na mayorya bilang Vice-president-Internal si Nick Andrew Giongco ng Manila Bulletin habang nailuklok din bilang Vice-president-External si Randy Maghirang Caluag ng Sports Illustrated.
Magsisilbi din matapos ihalal bilang Secretary si Angelito Oredo ng Balita habang Treasurer si Julius Manicad. Uupo bilang auditor ang Certified Public Accountant na si Reuben Terrado ng Spin.ph.
Nakatakdang pag-usapan ng bagong pamunuan ang pagpapalawak sa miyembro ng organisasyon gayundin ang buong plano para sa iba’t-ibang programa at aktibidad sa natitirang buwan ng 2016 at susunod na apat na taon.
Apat katao naman ang bubuo sa Board of Directors na nakatakda pa piliin ng mga nahalal na opisyales.