ILANG araw matapos siyang mahalal noong Mayo 9, pinuna ni Pangulong Duterte ang ilang pinuno ng Simbahang Katoliko, tinawag itong ipokritong institusyon at inakusahan ang ilang obispo at pari ng pagiging mapagkunwari at pagiging sangkot sa kurapsiyon. Sinabi naman ni Archbishop Socrates Villegas, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), na pipiliin niya ang “silence of Jesus before the arrogance of Pilate.”
Pinili ng mga pinuno ng Simbahang Katoliko na ipatupad ang polisiyang ito sa nakalipas na mga buwan, ngunit ilan sa kanila ang kamakailan ay nagpahayag na ng pagkabahala sa mga nangyayari sa bansa, partikular na sa kampanya laban sa droga, na mahigit 3,700 katao na ang napapatay.
Nagsalita na ang ilang pari na kinapanayam ng mga international news service laban sa tinawag nilang extrajudicial killings. Sinabi ng ilan na nagkakaloob sila ngayon ng matutuluyan sa mga nais na makaiwas sa pamamaslang. Sa isang panayam, sinabi ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles na nangangamba siyang lumalala ang ugnayan ng Simbahan kay Pangulong Duterte.
Napaulat na sinusubaybayan ng Secretariat of State ng Vatican ang sitwasyon sa Pilipinas ngunit ipinauubaya na sa pambansang samahan ng mga obispo ang magiging posisyon o aksiyon sa isyu, isang polisiya na ipinatutupad sa lahat ng bansa kaugnay ng mga usaping panloob. Sa Pilipinas, ang pambansang samahan ng mga obispo ay ang CBCP, na ang presidenteng si Archbishop Villegas ay nagsabi noong Hunyo na magpapatupad ito ng polisiya ng pananahimik—sa ngayon.
Noong Agosto 5, nagpaskil si Archbishop Villegas ng pahayag sa website ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan upang punahin ang mga pagpatay at umapela sa pagpapahalaga ng mga Pilipino sa buhay at sangkatauhan. Ipinalabas niya ang pahayag hindi bilang presidente ng CBCP kundi bilang arsobispo ng Lingayen-Dagupan. Binasa ito sa lahat ng simbahan ng archdiocese.
Noong Setyembre 15, makalipas ang dalawa at kalahating buwan ng administrasyon, na nasa 3,000 na ang napatay sa kampanya kontra droga, kasama ang nasa 26,000 inaresto at may 730,000 iba pa ang sumuko, nagpalabas ng pahayag ang CBCP na nananawagan sa mga tagapagpatupad ng batas na respetuhin ang karapatang pantao. “Drug addicts are children of God equal in dignity with the sober ones. Drug addicts are sick brethren in need of healing, deserving of new life.
They are patients begging for recovery.”
Walang pagkondena na ginawa, umapela lamang. Walang kritisismong gaya ng ginawa ng United Nations, ng European Union, at ng United States. Ngunit mistulang hindi na kuntento ang CBCP na panatilihin ang pananahimik. Idinagdag lamang nito ang tinig sa mga nagsisimula nang magpahayag ng sariling opinyon.