KAPANALIG, sa panahon ngayon, lumilitaw ang iba’t ibang anyo ng karahasan na nararanasan ng mga babae sa ating lipunan.

Naging pamilyar ang salitang “misogyny” at “slut shaming”. Ang mga katagang ito ay walang katumbas o kahulugan sa ating lenggwahe. Kadalasan, “bastos” lamang ang ating sinasabi. Para sa kababaihan, mababaw pa ang salitang “bastos” para sa lalim ng sakit na dala ng mga salita at aksiyon na ginagamit laban sa kababaihan. Ang mga pambabastos na ito ay hindi lamang minsan. Isa itong way of life para sa mga mamamayan, hindi lamang sa ating bayan, kundi sa buong mundo.

Sa ating mga komunidad na lang ay makikita na natin na ang babae ay tila target lagi ng pag-alipusta. Kahit pa milya-milya na ang layo ng narating ng kababaihan, kahit pa napakarami nilang accomplishment sa kanilang propesyon, may mga tao pa rin na dinidiskwento ang mga tagumpay na ito at hinuhusguhan sila base sa kanilang katawan, suot, o personal na buhay. Ang ganitong uri ng panghuhusga ay hindi karaniwang ginagawa sa kalalakihan.

Kaya nga’t ang terminong “misogyny” ay nagiging mas kilala ngayon sa atin. Ito ay nangangahulugan ng malalim na poot sa mga babae. Nakikita ito sa karaniwang mga nangyayari sa ating mga komunidad. Halimbawa, kung ang lalaki ay marami nang naging partner, tawag sa kanya ay macho. Kapag ang babae ay marami nang naging boyfriend, tawag sa kanya ay: mga salitang hindi na dapat marinig sa radyo o TV. Sa mga lalake, ang pagkakaroon ng seksuwal na karanasan ay parang “badge of honor”. Mas marami, mas tumitindi ang lalake. Sa babae, ito ay naging “badge of shame”. Parehong panig, tila sablay, ‘di ba? Sa ganitong double-standard, hindi lamang babae ang dehado. Tayong lahat ang talo rito.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Base sa datos ng National Demographic and Health Survey (NDHS), isa sa limang babae na nasa edad 15-49 ay nakaranas na ng physical violence noong sila’y 15 anyos pa lamang. Habang 14.4% naman ng mga babaeng may-asawa ay nakaranas na ng physical abuse, at 37% ng mga hiwalay sa asawa o biyuda ay nakaranas na rin ng physical violence sa kanilang “naging” asawa. Ayon pa sa NDHS, isa sa 25 babae na nasa edad 15-49 na may sexual experience na ay napuwersa lamang sa kanilang unang karanasan. Isa rin sa sampung babae na nasa edad 15-49 ay nakaranas na ng sexual violence.

Kailangan nang mabura ang karahasan laban sa kababaihan, sa salita man o sa gawa. Napakahirap mabuhay nang matiwasay at may dignidad kung mula sa loob ng bahay hanggang sa kalakhan ng lipunan ay nakararanas ng pambabastos ang kababaihan.

Kaya nga’t napakatapang ng kababaihan. Sabi nga sa Ingles, “They hold half the sky,” at ginagawa nila ito kahit pa marami sa atin ang kumukutya sa kanilang pagkatao. Ang panlipunang turo ng Simbahan ay nagbibigay-halaga sa dignidad nating lahat bilang anak ng Diyos. Sana ay tumalima tayo sa mga gabay nito. Lagi tayong inuudyok nito na bigyang-galang ang dangal ng lahat, babae man o lalake. Paalala ng Gaudium et Spes: Ano pa man ang ating pagkakaiba, ang ating dignidad ay pantay-pantay, babae man o lalake. Lahat tayo ay may karapatan sa patas at makatarungang sitwasyong panlipunan.

Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)