Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order no. 4 na naglalayong itatag ang isang inter-agency task force na bubuo sa Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Centers (DATRCs) sa bansa.
Ang task force ay kabibilangan ng mga kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) bilang chair; Department of Health (DoH) at chairman ng Dangerous Drugs Board (DDB) bilang vice chair.
Miyembro naman ang mga kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Budget and Management (DBM ), Director General ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at kinatawan mula sa Office of the President.
Kabilang sa trabaho ng task force na alamin kung saan ilalagay ang DATRCs. Plano itatag ang DATRC sa bawat lalawigan, kung saan susuportahan ito sa loob ng mahabang panahon.
Samantala nakita ang pangangailangan sa DATRCs matapos umabot sa 700,000 ang mga sumukong adik at tulak ng droga, kaakibat ng puspusang kampanya ng pamahalaan laban sa illegal drugs. (Elena L. Aben)