ANG Laguna de Bay noong dekada ‘50 at dekada ‘60 hanggang sa magtatapos ang dekada ‘70 ay masasabing sanktuwaryo ng mga mangingisda sa Rizal, lalo na sa Angono, at sa Laguna sapagkat sa kanilang malayang pangingisda sa lawa ay marami silang nahuhuling isda. Iba’t ibang species o uri.

Masasabing ang likas na yaman ng Laguna de Bay ay nakatulong sa mga mangingisda at may-ari ng pamalakaya na gumanda ang buhay at nakayang mapagtapos ang kanilang mga anak sa high school at kolehiyo, naging mga propesyonal at nagkaroon ng trabaho.

Marami rin ang nag-alaga ng mga itik na gumanda ang buhay sapagkat sagana sa mga suso at tulya ang lawa. Ang mga suso ang pangunahing pagkain ng mga inaalagaang itik ng mga taga-Rizal.

Sa Laguna de Bay, na ang lawak ay nasa 90,000 ektarya, ang mga mangingisda ay gumagamit ng mga lambat ng kitid at pante. Gayundin sa mga pukot (isang uri ng pamalakaya). Ang iba naman ay gamit ang sakag sa paghuli ng mga hipon, at pahuran naman sa pagkahig o pagkuha ng mga suso sa lawa.

Ayon sa mga dating mangingisda sa Laguna de Bay, noong wala pa ang Napindan channel na humarang sa pasok at labas ng tubig-alat mula sa ilog-Pasig at ang naglalakihang fishpen, ang mga isda sa Laguna de Bay na kanilang nahuhuli ay mga kanduli, biya, ayungin, bangus, bidbid, buwan-buwan, tilapia, kambungayngay, matinik o martiniko, hito, dalag, talilong, gurami, dulong at tagan, at malaking isda na parang pating na dala o sumama sa agos ng tubig-alat na mula sa ilog Pasig.

Nangyayari pa na ang mga nahuhuling kanduli sa pukot ay inaabot ng isang araw bago matapos ang paghango mula sa turupit ng pukot. Ang mga ayungin na sinlapad ng tatlong daliri ay ibinibigay na lamang sa mga batang mambabakaw (nanghihingi ng isda sa mga mangingisda). Ang mga biya at dalag ay kinukuha na ng mga tauhan ng pukot, iniiuuwi at iniuulam. Ang iba’y ipinagbibili sa mga regaton (mga mamimili ng isda) at nagkakaroon ng karagdagang kita.

Lalong dumarami ang mga isda sa Laguna de Bay kapag sumapit na ang Mayo, na panahon ng paglabas ng tubig-alat patungo sa lawa. Sa hapon ang paglabas ng tubig-alat mula sa ilog Pasig. Sa umaga naman, pabalik ang agos sa ilog Pasig.

Lumilinaw ang tubig sa Laguna de Bay. Namamatay ang mga water lily at dumarami ang pagkain ng mga isda. Mabilis ang paglaki at pangingitlog. Kaya maraming nahuhuli ang mga mangingisda. Maging ang mga suso at tulya ay ‘tila walang pagkaubos dahil sa kapal at dami. Masaya ang mga mangangahig ng suso at mga nag-aalaga ng mga itik sa Rizal at Laguna.

Sa paglipas ng panahon ay nagkaroon ng pagbabago sa mga isdang nahuhuli sa Laguna de Bay. Unti-unti nang nawala sapagkat napigil ang labas-pasok ng tubig-alat sa lawa itinayo na ang Napindan channel sa may bukana ng ilog Pasig sa Barangay Napindan. Nadagdag pa ang paggamit ng mga tarantadong mangingisda ng malalaking suro at sakag na ang lambat ay parang kulambo, nakalagay sa unahan ng bangkang de motor, isinusuro sa lawa. Tangay at nahuhuli nito ang lahat ng fingerlings ng mga isda sa Laguna de Bay. (Clemen Bautista)