ISANG buwang punumpuno ng kilabot, saya, at kaalaman ang hatid ng AHA! ngayong Oktubre sa “Aha Horror Fest” kasama si Drew Arellano.
Tatlong mini-movie ang itatampok ng Aha. Sisimulan ito ng “Gamer” ngayong Linggo (October 16). Kuwento ito ng isang gadget geek na sa sobrang pagkahumaling sa augmented reality gaming applications ay mapapadpad sa isang lumang bahay na tila puno ng hiwaga at kababalaghan.
Susundan ito ng “Maria, Maria” sa October 23. Sa paghahanap ng isang kakaibang ‘sem break’, makakadiskubre ang magbabarkada ng kahindik-hindik na lihim na akala nila ay matagal nang nailibing sa limot.
At sa October 30, itatampok naman ang kuwento ni “Matilda”, isang batang taga-lungsod na bumisita sa probinsya.
Hindi niya akalaing ang tila boring na trip para sa kanya ay may dala palang takot at pangamba.
Pero, may katotohanan nga ba ang misteryo, katatakutan, at kababalaghan na mararanasan ng mga bida sa kuwento? O ang mga pangyayari bang ito’y kaya palang ipaliwanag ng siyensiya?
Samu’t saring saya, kaalaman, at katatakutan ang hatid ng three-part special na “Aha Horror Fest” kasama si Drew Arellano simula ngayong Linggo, 8:15 AM, sa GMA-7.