MATAGAL nang ipinalalagay na ipagpapaliban na ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Oktubre 31, 2016 at isasagawa na lang sa Oktubre 23, 2017. Itinigil ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng paghahanda nito para sa halalan, dahil napagkasunduan na ng matataas na opisyal ng gobyerno ang usaping ito. Sinasabing napakalapit ng Oktubre 31 sa katatapos na paghahalal ng pangulo noong Mayo 9, at umiiral pa umano ang election fatigue sa mamamayan.
Nariyan din ang usapin sa pagtatalaga ng mga opisyal sa gobyerno na kailangang gawin ng bagong administrasyon. Agosto 21 nang ideklara ni Pangulong Duterte na bakante ang lahat ng puwesto ng mga itinalaga ng Pangulo sa nakalipas na administrasyon, tinukoy ang nagpapatuloy na kurapsiyon sa pamahalaan, partikular na sa mga regulatory agency. Kailangan niyang magsagawa ng mga bagong pagtatalaga upang mapunan ang mga bakanteng posisyon, ngunit ipinagbabawal ang mga ganitong pagtatalaga tuwing panahon ng eleksiyon.
Noong Setyembre, pinagtibay ng Kongreso ang panukalang nagpapaliban sa susunod na taon ng eleksiyong orihinal na itinakda sa Oktubre 31. Ang lahat sa gobyerno, partikular na ang Comelec, ay naghihintay na ngayon ng paglagda sa nasabing panukala upang maging ganap nang batas. Kung malalagdaan ito ngayong Oktubre 15, kailangan pa itong mailathala sa Official Gazette sa loob ng 15 araw, na magtatapos sa Oktubre 30. Kung sakali, opisyal na itong batas sa Oktubre 31, ang mismong araw na itinakda para gawin ang halalan.
Sa kanyang unang 100 araw sa puwesto, agad na sinimulan ni Pangulong Duterte ang pagpapatupad sa kanyang programa para sa mga pagbabago sa bansa, tinututukan ang pagsugpo sa banta ng ilegal na droga na nakabiktima na ng milyun-milyong Pilipino. Sa pagpapatupad nito, naharap siya sa kabi-kabilang batikos, dahil mahigit 3,000 na ang napatay sa kampanta kontra droga.
Napagitna ang Pangulo sa kontrobersiya sa mga opisyal ng United Nations, ng European Union, at ng United States dahil sa mga pamamaslang. Naglahad din siya ng mga talumpati at nagpalabas ng mga pahayag ng pagnanais niyang magkaroon ng mas malapit na ugnayan sa China at Russia. Matapos ang kanyang mga pagbisita sa Laos at Vietnam, naghahanda naman siya ngayon sa pagpunta niya sa China.
Nadominahan ng mga usaping ito ang unang 100 araw ng bagong administrasyon, ngunit hindi niya dapat kalimutan ang Barangay at SK elections na hanggang ngayon ay wala pa ring legalidad ang pagpapaliban. Kailangan muna niyang lagdaan ang panukala para maging batas. Kung walang umiiral na batas, ang lahat ng mga itinatalaga niya ngayon sa puwesto ay maaaring kuwestiyunin sa korte. Kung walang batas, kakailanganing madaliin ng Comelec ang lahat ng paghahanda sa iba’t ibang panig ng bansa para sa isang eleksiyong hindi napaghandaan ng sinuman.