Nasawi ang isang traffic enforcer makaraang mahagip ng malaking truck sa Valenzuela City, noong Huwebes ng hapon.

Dead on the spot si Raymart Discaya, 25, miyembro ng Public Order and Safety Management Office (POSMO) ng Valenzuela City Hall, nakatira sa No. 741 Francisco Street, Barangay Paso De Blas ng nasabing lungsod, dahil sa pagkakabagok sa semento.

Kaagad namang nadakip ang driver ng truck na si Charly Turtoga, 28, binata, ng No. 1001 Gen. San Miguel St., Sangandaan, Caloocan City.

Ayon kay SPO2 Tirso Delina ng Vehicle Traffic Investigation Unit (VTIU) ng Valenzuela Police, dakong 4:25 ng hapon nangyari ang insidente sa kahabaan ng Gen. Luis, Barangay Paso De Blas.

Iba't ibang grupo, kumpirmadong magkakasa ng 'anti-corruption rally' sa Feb. 25

Sakay sa kanyang service motorcycle si Discaya nang mahagip ng kanang bahagi ng Isuzu Rebuilt truck (AGA-7608).

“Mabilis daw ‘yung takbo ng truck at kaya hindi napansin nung driver na nasa gilid niya yung traffic enforcer,” ani SPO2 Delina.

Sa lakas ng pagkakasagi tumilapon ang biktima at kahit na may sout na helmet, nabagok pa rin ang ulo nito sa semento.

Nahaharap sa mga kasong reckless imprudence in resulting to homicide at damage to property si Turtoga.

(Orly L. Barcala)