NAKAKUWENTUHAN namin ang manager ni Sanya Lopez na si Tracy Garcia sa GMA Artist Center at ibinalita nitong tuwang-tuwa ang aktres sa first endorsement niyang Shimmian Surgicenter dahil binigyan siya ng billboard. Nakakabit na ang billboard along Edsa at siguradong tinitingnan ni Sanya tuwing napapadaan siya.
Sayang nga dahil ‘yung TVC ng Surf, sina Kylie Padilla at Gabbi Garcia lang ang magkasama, mas maganda sana kung kumpleto ang apat na Sang’gre ng Encantadia na lumalanghap ng mabagong amoy ng sabong panlaba.
Wala sina Sanya at Glaiza de Castro sa TVC kaya nanghihinayang ang Encantadiks na hindi magkakasama sa first endorsement ang mga Sang’gre.
Itinanong din namin kay Tracy ang tungkol sa pagkaka-link ni Sanya kay Rocco Nacino na kasama niya sa Encantadia, kung totoo nga bang nagkakadebelopan na ang dalawa. May nangyayari kasing online flirting sa dalawa via Twitter at naalala ng fans na sa ganito rin nagsimula ang relasyon nina Benjamin Alves at Julie Anne San Jose.
Ayaw maging kontrabida ni Tracy at ayaw basagin ang kilig ng fans ng love team nina Danaya at Aquil (Sanya at Rocco), pero ang alam niya, labas muna ang love life kay Sanya ngayon. Career ang priority ng dalaga lalo’t nabigyan ng big break ng GMA-7 na magbida sa Encantadia.
Malaki raw ang pangarap ni Sanya sa kanyang career at gagawing daan ito para matulungan ang pamilya.
Kuwento ni Tracy, nag-rent ng apartment sa may Commonwealth si Sanya at kuya niyang si Jak Roberto para malapit sa kanilang trabaho at hati sila sa lahat ng gastos.
Nag-share rin ang magkapatid sa ipinambili ng sasakyan, pero si Jak ang madalas na gumagamit. Ang ginagawa ni Sanya ay sumasabay na lang sa service ng network papunta sa taping ng Encantadia at pauwi.
Anyway, siguradong may mga magagalit na Encantadiks sa karakter ni Danaya sa fantaserye kapag pinatay nito si Kahlil (Avery Paraiso) na marami agad ang natutuwa nang lumabas sa fantaserye. Pero may dahilan si Danaya kung bakit niya pinatay ang pamangkin, at malalaman ito kung patuloy na panonoorin ang Encantadia.