NAPAKAGANDA ng pelikulang The Third Party na idinirek ni Jason Paul Laxamana under Star Cinema.
Ito na lang daw ang nasabi namin dahil pilit naming hinahanapan ng sablay ang istorya, pero wala kaming makita talaga. Napakaayos ng development ng bawat karakter na ginagampanan nina Angel Locsin, Zanjoe Marudo at Sam Milby na may kanya-kanyang back story at highlights.
Maging ang supporting characters na sina Matet de Leon, Al Tantay at Carla Martinez bilang kapatid at magulang ni Max (Sam), Cherie Pie Picache at Alma Moreno na nanay at titang mabait naman ni Andi (Angel), Beauty Gonzalez (kaibigan ni Andi) ay may kanya-kanyang makukulay na kuwento rin.
Maayos, disente, at walang halay factor sa execution ng eksenang naglalambingan sina Sam at Zanjoe sa kama na mauuwi sa love making, ‘kaso naputol kasi dumating si Angel para sabihing may dumating na package ang dalawa at tawa nang tawa ang mga manonood sa reaksiyon ng aktres dahil naaktuhan niya ang dalawa.
Ang cute panoorin nina Sam at Zanjoe. Puwede naman palang ganoon lang ang atake sa dalawang lalaki na parehong nasa kama at hindi ka makakaramdam ng kabastusan o kahalayan. Kadalasan sa gay movies, may maririnig ka sa audience na magsasabi ng, ‘kadiri!’ Pero sa The Third Party, walang-wala kang mararamdamang ganito, mas mai-in love ka pa nga sa karakter nina Max at Christian.
Para sa amin, ito na ang pinakamaganda at pinakadisenteng gay movie.
Napakalakas ng hiyawan sa buong Cinema 2 ng Trinoma sa eksenang nagpaalam na si Zanjoe para pumunta ng Cebu at sabay halik sa lips ni Sam na ikinaloka rin ni Angel, ha-ha-ha, ang cute talaga nilang tatlo.
Maganda rin ang kuha sa kanilang tatlo na magkakatabi sa kama at si Angel ang nasa gitna.
Ang mga drama o iyakan scenes na kadalasang ikinabuburyong namin sa ibang pelikula ay hindi namin naramdaman dito sa The Third Party dahil ‘sakto lang ang mga dialogue, very contemporary o ginagamit talaga sa kasalukuyan, at hindi halatang nanggaling lang sa nilulumot nang script o hinalukay pa sa ilalim ng baul.
Aliw na aliw kami kay Alma na ang malaki niyang boobs ang taguan ng kanyang pera. Nakakatawa tuloy nu’ng humirit si Angel ng, “Baka, meron pa, Tita!’ sabay tingin sa boobs ulit. ‘Kaloka ang boobs, may partisipasyon sa pelikula, ha?
Tama ang sinasabi ng mga nauna nang nakapanood ng The Third Party, matatawa, maiiyak, mai-in love, at mai-inspire ka na sana ay makahanap ka rin ng Max at Christian sa buhay mo.
Para sa amin, ito ang pinakamagandang acting ni Sam sa lahat ng pelikulang nagawa niya simula nang mag-umpisa siya sa showbiz. Kakaiba at challenging na gumanap siyang bading without hesitation. ‘Sakto, hindi OA, at relax lang ang aktor sa pelikula.
Nagustunan din namin ang dialogue ni Sam na minahal niya ang tao dahil sa magandang ugali at personalidad at hindi dahil sa gender.
Oo nga naman, di ba, Bossing DMB ‘pag nagmahal ka, maging sino man siya?
(Ganoon dapat! Maging sino ka man, sabi nga ni Rey Valera. –DMB)
Lalong napatunayan ni Zanjoe na magaling talaga siyang aktor, kaya niyang gampanan kahit na anong papel pa ang ibigay sa kanya.
May mga appearance lang si Angel na dapat ngayong payat na talaga siya kinunan. May mga eksena na ang laki niyang tingnan sa screen, parang napasarap ang pagkain niya ng ice cream at isaw sa pelikula. Ito lang ang napansin naming mali sa pelikula, hindi consistent ang itsura ni Angel. Kung minsan chubby at kung minsan payat, anyare? Kung minsan matured siya, kung minsan nene naman lalo na noong nasa may seawall sila ni Zanjoe.
Sadyang hindi na namin ikinuwento ang buong pelikula para mag-enjoy sa panonood ang moviegoers. Abangan ang schedule ng napakaraming block screening sa iba’t ibang mall courtesy of fans nina Angel, Sam at Zanjoe.
Salamat sa pag-imbita sa amin sa ginanap na block screening ng Team Angel sa Trinoma noong Miyerkules, at siyempre sa magkapatid na Angel Locsin at Ella Colmenares.
Congratulations to Direk Jason Paul Laxamana na nasa audience pala at hindi nagparamdam, kung hindi pa siya nakita ng fans na ayaw niyang bumaba kasi nakapang-bahay lang, ha-ha-ha. Nakaka-proud ka, Direk JP, sobrang simple mo, pero ang tindi mo! (REGGEE BONOAN)