PERSONAL na iniabot kamakailan ni U.S. International Film & Video Festival (USIFVF) Chairman Lee W. Gluckman, Jr. sa mga nagwaging programa ng Kapuso Network ang kanilang awards mula sa 2016 US International Film and Video Festival.
Pinangunahan ng GMA Public Affairs’ animated series na Alamat ang mga nagwaging Kapuso shows sa naiuwi nitong kauna-unahang Best of Festival award ng Pilipinas. Ginawaran din ang nasabing programa ng Gold Camera award para sa “Alamat ng Bayabas” episode.
Ang “Isang Paa sa Hukay” naman ng Reel Time ay nanalo ng Gold Camera award. Samantala, Silver Screen award naman ang napanalunan ng I-Witness at Reporter’s Notebook para sa mga episode na “Kawayang Pangarap ” at “Hikbi sa Ibayong Dagat ”.
Tumanggap din ng Certificate for Creative Excellence sa ilalim ng Social Issues category ang Brigada (“Para sa Pangarap”), Front Row (“Maestra Salbabida”), at Investigative Documentaries (“Gutom”). Ang “Tres Rosas”episode ng Karelasyon at ang “Gabriela and Diego Silang Love Story” ng Wagas ay parehong binigyan ng Certificates for Creative Excellence sa Docudrama category.
Ang GMA Entertainment TV programs na Pepito Manaloto at Idol sa Kusina ay pinarangalan din at tumanggap ng Certificates for Creative Excellence sa Cooking at Comedy categories.