Binalaan kahapon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mga residente ng Aurora at Isabela sa posibilidad na mag-landfall bukas ang bagyong ‘Karen’ sa nabanggit na mga lalawigan.

Sa weather bulletin ng PAGASA, posibleng humagupit ang bagyo sa dalawang probinsiya kung hindi magbabago ang direksiyon nito at magdadala ng malakas na ulan at hangin na iipunin nito sa loob ng 48 oras.

Kahapon, itinaas na ang public storm warning signal (PSWS) No. 2 sa Catanduanes habang pito pang lugar sa Luzon at Visayas ang apektado ng Karen.

Nasa Signal No. 1 naman kahapon ang Polillo Island, Southern Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Sorsogon at Northern Samar.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Huling natukoy ng PAGASA ang Karen sa layong 275 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes, dala ang hanging hanggang 75 kilometer per hour (kph) malapit sa gitna, at bugsong 95 kilometro, habang tinatahak ang kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 13 kph.

PREEMPTIVE EVACUATION

Sa Bicol Region, dakong 9:00 ng umaga kahapon ay nailikas na ang 10 pamilya o 50 katao na nasa daluyan ng ilog malapit sa Bulkang Bulusan sa Irosin, Sorsogon dahil sa banta ng pag-agos ng lahar, ayon sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) ng Bicol.

Sinuspinde na rin ang klase sa mga paaralan sa lahat ng lalawigan sa rehiyon, ayon kay Bernardo Alejandro, director ng Office of Civil Defense (OCD)-Bicol at chairman ng RDRRMC.

Nakaalerto na rin ang Provincial DRRMC ng mga probinsiya sa rehiyon laban sa posibilidad ng baha, pagguho ng lupa at pagragasa ng lahar.

STRANDED

Samantala, nasa 1,045 pasahero ang stranded sa mga pantalan sa Bicol dakong 9:00 ng umaga kahapon, matapos na suspendihin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lahat ng nakatakdang paglalayag, ayon sa OCD-Region 5.

Kasabay nito, inalerto naman ng pamahalaang panglalawigan ng Cagayan ang mamamayan nito, partikular ang nasa malapit sa Magat River, sa posibilidad na magpakawala ng tubig ang Magat Dam anumang oras.

Sinabi ng Cagayan-Public Information Office na maaaring magpakawala ng tubig ang National Irrigation Administration (NIA) mula sa Magat Dam. (ROMMEL P. TABBAD, LIEZLE B. IÑIGO at ng PNA)