Dalawang bagong kaso ng Zika virus ang naitala ng Department of Health (DoH) sa bansa, karagdagan sa naunang 15 kaso ng sakit na una nang kinumpirma ng kagawaran ngayong taon.
Sa isang pulong balitaan, sinabi kahapon ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial na ang dalawang bagong kaso ng Zika ay naitala sa Metro Manila; ang isa ay isang 42-anyos na lalaki mula sa Makati City habang ang isa naman ay isang babaeng 27-anyos na taga-Mandaluyong City, na hindi buntis.
“As of October 13, we have now 17 cases reported. Still 12 [cases] from Iloilo City and surrounding areas. One in Muntinlupa, one Cebu, Antipolo City [has] one, and we have one case from Mandaluyong [which is a] new case and one new case Makati city,” ani Ubial.
Nakitaan ang dalawa ng mga sintomas ng Zika, kabilang na ang skin rashes, lagnat at sore eyes, at kapwa mild ang kaso ng dalawa kaya hindi na kinailangan pang magpaospital ang mga ito.
Kaugnay nito, sinusuri na ng DoH ang mga kasambahay at kapitbahay ng dalawa upang matukoy kung may iba pa sa kanila na dinapuan ng virus.
Muli namang pinayuhan ni Ubial ang mamamayan na panatilihing malinis ang kapaligiran at maglagay ng proteksiyon kontra kagat ng lamok tulad ng insect repellents o kaya ay gumamit ng kulambo para makaiwas sa kagat ng lamok na dahilan ng Zika at iba pang sakit na nakukuha sa kagat ng lamok. (Mary Ann Santiago)