YUMABANG at nalulunod na nga ba ang sikat na aktres sa isang basong tubig?

Dedma kami noong una naming marinig na nagbago na ang ugali ng sikat na aktres, kasi baka naman sinisiraan lang dahil nga kilala at mayaman na kaya kinaiinggitan ng marami.

Pero nang mismong executive ng talent management ng sikat na aktres na ang nagkuwento na sumasakit na ang ulo nilang lahat sa katigasan ng ulo at pagmamaldita ng alaga nila sa fans, naniwala na kami dahil sa kampo na mismo niya nanggaling.

Kadalasan, siyempre, pinagtatakpan ng talent management ng mga artista ang lahat ng kapalpakan at hindi magandang ugali ng mga alaga nila. Pero kapag walang keber na magkuwento ang staffs o executive ng kapintasan ng talent nila, pati sila ay napeperhuwisyo na.

Charo Santos, Dingdong Dantes papasok sa Bahay Ni Kuya

“Hindi lang siya ang artista namin, marami, kaya kapag hindi pa siya umayos, baka bumalik siya sa kawalan. Naka-jackpot lang siya, umayos siya!” diretsong sabi sa amin ng executive.

“Mabuti pa si _____ (isa pang aktres na sumisikat na rin), simula umpisa mabait na hanggang ngayon, mabait pa rin at masunurin, mabait pa sa fans.

“Itong si _____ (sikat na aktres), nakasimangot sa fans! Sino ba ang dahilan kaya sumisikat ang mga artista, hindi ba ang fans, ang supporters nila? Bakit siya nakasimangot kapag may nagpapa-picture?”

Sumasang-ayon kami sa katwirang ito ng executive, dahil kung walang suporta ng fans ay hinding-hindi sisikat ang mga artista.

Nag-ugat ang pagkairita ng executive sa ilang show ng sikat na aktres na sinamahan niya para mag-monitor, at doon nga niya nakitang topakin ang alaga nila.

“Kapag may sasabihin kami na dapat niyang gawin, ayaw, nakasimangot. Eh, para kanino ba ‘yun, sa amin? Kung ayaw niyang gawin, eh, di sana hindi niya tinanggap ang show dahil bago naman namin tanggapin ay tinatanong muna siya o tinatanong muna namin ang mga artista namin kung type nila,” kuwento ng exec.

Baka pagod lang, kasi nga kaliwa’t kanan ang ginagawa at may mga TVC pa on the side.

“Eh, di magsabi siya na huwag naming tanggapin ang offers, eh, siya naman ang nagsabing sige-sige, kasi nag-iipon siya,” dagdag pa.

Sa totoo lang, Bossing DMB, hindi pa rito nagtatapos ang kuwento tungkol sa sikat na aktres dahil marami pang ibang tao kaming nakakuwentuhan na hindi magkakakilala na may experience rin sa sikat na aktres.

At sa sinabing ito ng aming kausap kami natawa, “’Buti sana kung maganda siya, eh, hindi naman!” (Reggee Bonoan)